Handog trabaho para sa Batangueño; Higit 300 Batangueño nakilahok sa Batangas City job fair

BATANGAS CITY (PIA) — Nasa 356 job seekers ang dumagsa sa labor day job fair na pinangunahan ng pamahalaang lungsod ng Batangas sa Batangas City Sports Center kamakailan.

Ayon sa pamahalaang lungsod, ang job fair na may temang “Handog Trabaho Para sa Batangueño” ay dinaluhan ng 42 lokal na kumpanya at dalawang pandaigdigang kumpanya upang mag-alok ng nasa mahigit 4,000 na trabaho.

Kabilang sa mga kumpanya na nakibahagi ay nangangailangan ng fast food crew, call center agents, sales agents, salesladies, sales clerks, car at motor dealers, construction workers, at kanitorial services.

Ilan sa mga malalaking kompanyang lumahok ay ang JG Summit Petrochemical Corporation, PKI, CDO, Home Center, ACE, Epson, Waltermart Supermarket, Pacific Star, Horizon at iba pa.

Ang mga kailangan namang overseas jobs para sa United States, Saudi Arabia at Qatar ay mga doktor, nurses, physical therapists, nutritionists, engineers, technicians, construction workers, factory workers, welders, plumbers, waiters, draftsmen at iba pa.

Maging ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay may hiring para sa jail officers na nakatakdang i-deploy sa Batangas City.

Kasama din sa naturang job fair ang iba’t ibang ahensya tulad ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Social Security System (SSS), Philhealth at PAGIBIG Fund upang mas maging madali sa mga aplikante ang pagproseso ng mga requirements mula sa mga nabanggit na ahensya.

Mayroon ding kinatawan mula sa Department of Labor and Employment at Philippine Overseas Employment Administration para sa anumang katanungan o paglilinaw kaugnay sa usaping trabaho.

Ang lahat ng mg a kumpanyang lumahok sa job fair ay compliant  sa labor standards at walang pending labor cases, ayon sa pamahalaang lungsod. (BPDC, PIA Batangas)

In other News
Skip to content