LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Pormal nang binuksan noong Abril 17 ang selebrasyon ng High Value Crops Week na may temang “Green Revolution Road Towards Exportation” bilang pagbibigay halaga sa mga magsasaka sa bansa.
Pinangunahan ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA ang selebrasyon para sa rehiyon sa pamamagitan ng ribbon-cutting ceremony ng KADIWA Market sa pangunguna ni Regional Executive Director Maria Christine Inting at Oriental Mindoro Provincial Administrator Hubbert Christopher Dolor bilang kinatawan ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor.
Iba’t-ibang mga prutas at gulay ang makikita sa Kadiwa Market na binuksan noong Abril 17 bilang bahagi ng pagdiriwang ng High Value Crops Week (HVCW) Celebration.
Ayon kay Inting, ang mga ganitong gawain, na nakatutulong sa paglabas o pagluwas ng mga produkto ng mga magsasaka, ay isa sa mga mandatong ibinigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kagawaran.
Hinimok rin ni Inting ang mga magsasaka at iba’t-ibang samahang agrikultural na mangarap nang mataas upang gumanda ang kani-kanilang mga pamumuhay.
Pinasalamatan din nito ang mga magsasaka sa lahat ng naging tulong ng mga ito sa gitna ng pandemya noong 2020 na maituturing aniya na makabagong bayani ang mga ito, sapagkat isa ang sektor ng agrikultura sa bumuhay sa mga mamamayan ng Lungsod ng Maynila noong mga panahong walang makain ang mga ito dahil sa kakulangan ng produksyon ng sariwang ani sa naturang lugar.
Pinipilahan ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro ang mga binebentang gulay at prutas dahil bukod sa sariwa na ay mura pa.
Bilang pasasalamat sa suportang ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, pinagkalooban ng DA MIMAROPA ito ng 4,264 assorted vegetable seeds na may katumbas na halaga na Php213,200. na nakatakdang ipagkaloob sa mga magsasaka sa lalawigan.
Namahagi rin ang Bureau of Plant Industry ng 123 packs ng walong (8) klase na vegetable seeds na nakatakdang itanim sa iba’t-ibang community gardens sa lalawigan.
Tatagal ang Kadiwa Market ng limang (5) araw, simula Abril 17 hanggang Abril 21 na matatagpuan naman sa Provincial Capitol Grounds, Camilmil, Calapan City, Oriental Mindoro. (JJGS/PIA MIMAROPA)