Higit 100 indibidwal sa San Jose, nakinabang sa PIA Barangay Forum

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Mahigit sa 100 residente ng Brgy. Ansiray, isa sa mga barangay sa isla ng Ilin sa bayan ng San Jose, ang nakinabang sa Barangay Forum ng Philippine Information Agency (PIA) kamakailan.

Ang Barangay Forum ay isa sa mga proyekto ng PIA na may layuning maihatid sa mga pamayanan ang mga tama at napapanahong impormasyon hinggil sa iba’t ibang programa ng pamahalaan.

Nakibahagi sa aktibidad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Social Security System (SSS) at San Jose Municipal Agriculturist Office (MAO).

Ayon kay Punong Barangay Marlon Ramintas, mahalaga ang mga impormasyong dala ng mga ahensyang bumisita sa kanilang barangay. Gaya na lamang aniya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kahit patuloy ang ugnayan ng 4Ps at mga benepisyaryo nito sa kanilang barangay, may mga katanungan pa rin ang ang mga ito tungkol sa programa na nasagot naman lahat ng DSWD.

Isa rin sa mga natalakay ay ang kahalagahan ng Emergency Balde (E-Balde) na ayon kay Shalom Andaya ng DSWD-4Ps, urvival kit ay dapat laging nakahanda sa mga tahanan ng 4Ps beneficiaries. Karaniwang laman ng E-Balde ay mahahalagang dokumento, damit, pagkain, gamot at iba pang bagay na tatagal ng tatlong araw.

Marami ring kaalamang ibinahagi ang MAO San Jose katulad ng kahalagahang makapagpatala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

 

Ipinaliwanag ni Mateo Angelo Gaudier ng MAO na ang mga magsasakang rehistrado sa RSBSA ang kadalasang makatatanggap ng mga biyaya mula sa pamahalaang nasyonal.

 

Dagdag ni Gaudier, nagbibigay din ng libreng binhi ng palay, mais at gulay ang kanilang tanggapan at nakahandang umalalay sa mga magsasaka ang mga nakatalagang MAO technician sa barangay.

“Marami rin akong natutunan sa SSS, ang mga benepisyo ng pagiging kasapi nito, at katunayan kinuha ko na ang pagkakataong ito upang magkaroon na ng SSS number,” saad pa ni Kapitan Ramintas.

Bukod naman sa paghahatid ng mga nabanggit na impormasyon, tinugon din ng Barangay Forum, sa tulong ng mga nabanggit na ahensya at tanggapan ang ilang kahilingan ng mga taga-Ansiray.

Kasama sa natugunan ang hiling na foodpacks na ipinamahagi sa mga naapektuhan ng nakaraang habagat at bagyong Carina; mga may babuyan na ang mga alagang baboy ay namatay dahil sa African Swine Fever; at mga nag-bayanihan sa itinayong makeshift classrooms na pinakikinabangan ng higit 100 kabataan ng Ansiray at kalapit na barangay.

Nakapagsagawa rin ang MAO ng pagsusukat ng mga bangka ng mga mangingisda ng barangay.

“Abot sa 17 bangka ang aming nasukat na kailangan upang mairehistro ang mga ito, na magsisilbi namang batayan ng pamahalaan kapag sila ay nagbigay ng tulong sa ating mga mangingisda,” paliwanag ni Municipal Agriculturist Romel Calingasan.

Papatawan din ng multa ang sinumang gagamit ng bangka na hindi nakarehistro, ayon pa sa opisyal.

Sinabi pa ni Ramintas na nakatitiyak siyang magrerehistro na ng bangka ang mga mangingisda ng Ansiray, lalo na’t nagpaabot ng tulong si Vice Governor Diana Apigo-Tayag na pandagdag sa gastusin sa pagpaparehistro.

Sa kanyang mensahe ng pasasalamat, binigyang-diin ng punong barangay na malaking biyaya sa kanilang pamayanan ang natanggap na mga tulong at impormasyon.

Umaasa rin si Ramintas, na ang naturang aktibidad ay magbibigay-daan upang higit pang makita ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga katulad nilang pamayanang nasa isla. (VND/PIA MIMAROPA/Occidental Mindoro

In other News
Skip to content