SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Higit sa 1,000 bagong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang tumanggap kamakailan ng kanilang cash card mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Municipal Link LJ Sibayan Bonus, ang mga bagong benepisyaryo ay mula sa 16 na barangay ng bayan ng San Jose at nagsimulang mapabilang sa programa noong 2023. Ang mga ito ay mula sa barangay Ipil, Buri, Bangkal, Inasakan, Natandol, Labangan Iling, Catayungan, Murtha, San Agustin, Central, Bubog, Mapaya, Mangarin, Mabini, Pag-asa at Bagong Sikat.
Isa sa mga bagong benepisyaryo ay si Myrna Mabaquiao ng Brgy. Central na nagpaabot ng lubos na pasasalamat sa 4Ps.

Ayon sa kanya, malaking tulong ang programa lalo na sa pag-aaral ng kanyang mga anak. Dalawa sa tatlong anak ni Mabaquiao ay nag-aaral sa Pulang Lupa Elementary School, sakop ng kanilang barangay. Ang panganay ay pitong taong gulang samantalang limang taong gulang ang sumunod at pumapasok sa kindergarten.
Kwento ni Mabaquiao, umaasa lamang sila sa kita ng kanyang mister na isang magsasaka habang siya ay naiiwan sa bahay upang alagaan ang pitong buwang gulang na bunso.
Dagdag pa niya, ang natanggap nilang cash grant ay mapupunta sa mga gamit ng kanyang dalawang anak sa eskwela, gayundin sa pagkain at iba pa nilang pangangailangan.
Umaasa si Mabaquiao na sa pamamagitan ng 4Ps, patuloy silang matutulungan ng pamahalaan hanggang makapagtapos ng high school ang kanyang mga anak.
Samantala, may karagdagang 1,380 na benepisyaryo ng 4Ps ng bayang ito ang tatanggap na rin ng kanilang cash card sa ika-13 ng Hulyo. (VND/PIA MIMAROPA–Occidental Mindoro)