LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Nasa kabuuang 1,375 na mga indibidwal mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kabilang ang mga lubhang naapektuhan ng bagyong ‘Paeng’ ang nakatakdang makabenepisyo mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ito ay matapos iturnover kamakailan ng DOLE Region 12 ang TUPAD checks at t-shirts sa lokal na pamahalaan ng Datu Salibo at barangay local government unit ng Malingao, Shariff Aguak sa Maguindanao del Sur.
Ayo sa ulat ng DOLE Region 12, ang bayan ng Datu Salibo ay nakatanggap ng TUPAD check na nagkakahalaga ng P3,485,020 para sa 1,022 na mga benepisyaryo nito, habang ang barangay ng Malingao naman ay nakatanggap ng P1,805,595 para sa 353 na mga benepisyaryo.
Bawat benepisyaro ng TUPAD mula sa Datu Salibo ay makatatanggap naman ng P3,410 na sahod para sa sampung araw na trabaho, habang ang mga benepisyaryo naman mula sa Barangay Malingao ay makatatanggap ng tig P5,515 para sa labinlimang araw na trabaho.
Ang TUPAD ay bahagi ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) na naglalayong makapagbigay ng trabaho sa mga displaced worker, underemployed at unemployed na mahihirap sa loob ng sampung araw ngunit hindi lalagpas sa 30 araw depende sa uri ng trabahong ibibigay. (With reports from DOLE 12)