Higit 2,000 magsasaka sa OccMdo, nagtapos sa SOA-SRA ng ATI Mimaropa

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — May 2,539 na mga magsasaka sa lalawigan ang nagsipagtapos sa School-On-the-Air on Smart Rice Agriculture (SOA-SRA) ng Agriculture Training Institue (ATI) Mimaropa sa bayan ng Sablayan kahapon.

Sinabi ni Erlan Pasana ng ATI Mimaropa, ang SOA-SRA na may temang “Palay Aralan: Makabagong Pagsasaka sa Himpapawid”, ay nagtuturo ng tama at makabagong pamamaraan ng pagtatanim ng palay gamit ang radyo.

Naniniwala si Pasana na sa pamamagitan nito, higit na maraming magsasaka ang magbebenepisyo sa kaalaman hinggil sa Palay Check System na pangunahing ibinahagi sa nabanggit na programa. “Isa itong radyo-eskwela ukol sa pagtatanim ng palay na sinamahan natin ng modern rice farming techniques para sa higit na kaalaman ng ating mga nagpapalayan.”

Sa Kapihan sa PIA kaninang umaga ay inamin ni Pasana na limitado ang bilang ng mga magsasaka na nakadadalo sa mga face-to-face training na ibinibigay ng ATI. Subalit sa pamamagitan aniya ng SOA-SRA, maraming nagtatanim ng palay ang nakakapakinig ng programa at ito ay batay na rin sa mga nagpapadala ng mensahe sa radyo at sumasali sa contest na bahagi ng pagsasahimpapawid ng programa.

Sa kanya ring mensahe, pinasalamatan ni Pasana ang mga partner agencies na naging katuwang ng ATI Mimaropa school-on-the-air. Kabilang dito ang Philippine Rice Research Institute (PRRI), Philippine Information Agency (PIA), at Occidental Mindoro State College (OMSC). Nagpaabot din ng pasasalamat ang opisyal sa mga lokal na pamahalaan at mga tanggapang may kaugnayan sa pagpapaunlad ng agrikultura sa probinsya. (VND/PIA Mimaropa – Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content