Higit 27,000 senior citizen ng OccMDo, tumatanggap ng pension mula DSWD


Sa ilalim ng Social Pension Program, binibigyan ng P500 kada buwan o P6,000 sa isang taon ang mga indigent SC na dumaan sa balidasyon ng DSWD at nakumpirmang walang pinagkakakitaan, walang nakukuhang iba pang pensyon, at wala ring kaanak na sumusuporta. (PIA OccMdo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Mayroong 27,757 senior citizens ng probinsya ang nakatala sa Social Pension Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa taong 2022, ayon kay Judith Cabuntocan ng DSWD Occidental Mindoro.

Sa ilalim ng Social Pension Program, binibigyan ng P500 kada buwan o P6,000 sa isang taon ang mga indigent senior citizens na dumaan sa balidasyon ng DSWD at nakumpirmang walang pinagkakakitaan, walang nakukuhang iba pang pensyon, at wala ring kaanak na sumusuporta.

“Sa talaan ng probinsya, 30,587 dapat ang [pension] beneficiaries natin subalit may higit 2,000 senior citizen pa ang kailangang i-validate at sa ngayon ay hindi pa kasama sa tatanggap ng pensyon” saad ni Cabuntocan. Ginagawa aniya ng kanilang tanggapan ang lahat upang mapabilis ang balidasyon at makabilang lahat ng mga indigent senior citizen sa talaan ng benepisyaryo. Nilinaw nito, gayunman na maliban sa proseso ng balidasyon, ikinukunsidera rin ang limitadong pondo ng pamahalaan para sa programa.

Ayon pa kay Cabuntocan, bago matapos ang 2022 ay ipinagkaloob na ang pensyon sa karamihan ng mga senior citizen sa probinsya. Aniya, tanging ang mga bayan ng Sablayan, Magsaysay at San Jose ang magsasagawa ng distribusyon ngayong Enero.

Samantala, kinumpirma ni Alice Cajayon, opisyal ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng San Jose na ipagkakaloob nila ang pensyon sa kanilang mga benepisyaryo ngayong Enero. Katunayan aniya, target ng kanilang tanggapan na maibigay ang cash sa 6,439 senior citizens hanggang Enero 27.

Ayon naman kay Nanay Angie Arroyo, isa sa mga opisyal ng Senior Citizens Federation ng bayan ng San Jose, malaking tulong sa kanila ang halagang ipinagkakaloob ng pamahalaan at ginagamit nilang pambili ng gamot, pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan. (VND/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content