Higit 300 residente ng Sta. Cruz, nakinabang sa medical mission ng PAGPTD

SANTA CRUZ, Marinduque (PIA) — Humigit 300 residente mula sa mga barangay ng San Antonio, Kilo-Kilo at Labo sa bayan ng Santa Cruz ang nakinabang sa community outreach activity na inorganisa ng Provincial Advisory Group for Police Transformation and Development (PAGPTD) sa lalawigan ng Marinduque kamakailan.

Kabilang sa mga ipinagkaloob sa mga mamamayan ay ang medikal at dental na serbisyo, libreng tuli, libreng gupit, libreng gamot, beauty and wellness services, legal na konsulta, at libreng salamin sa mata habang mga laruan naman ang ibinigay sa mga bata.

Ayon kay Police Colonel Christopher Melchor, provincial director ng Marinduque Police Provincial Office, layunin ng programa na dalhin ang serbisyo sa mga malalayong barangay upang maibsan ang kanilang gastusin sa pamasahe at makatulong sa pangangalaga ng kanilang kalusugan.

Ipinaabot naman ni Gov. Presbitero Velasco Jr, chairperson ng PAGPTD ang pasasalamat sa lahat ng mga organisasyon at volunteers na tumulong para maging maisakatuparan ang gawain.

“Nagpapasalamat po ako sa mga indibidwal at grupo na lumahok dito sa ating ikalawang community outreach activity. Ang ganitong programa ay nagpapatunay ng isang matibay na pangako ng paglilingkod upang maitaas ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayang Marinduqueno,” pahayag ng gobernador.

Nakiisa sa naturang outreach program ang iba’t ibang ahensya at organisasyon tulad ng Provincial Health Office, Marinduque Provincial Hospital, Integrated Bar of the Philippines-Marinduque Chapter, Bila-Bila Boac LGBTQIA+, Philippine Coast Guard-Sta. Cruz Substation, Philippine Coast Guard Auxiliary-Marinduque, Philippine Dental Association-Marinduque Chapter at Tatlong Hari Morion Matikas Eagles Club. (RAMJR/ILJPP/PIA Mimaropa-Marinduque)

In other News
Skip to content