LUNGSOD NG COTABATO (PIA)–Abot sa higit 400 interns mula sa iba’t-ibang mga lugar sa rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nakatanggap kamakailan ng kanilang sahod sa ilalim ng Government Internship Program (GIP) ng Ministry of Labor and Employment ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOLE-BARMM).
Nasa kabuuang 65 mga benepisyaryo mula sa lungsod ng Cotabato ang nakatanggap ng tig P16,087 para sa kanilang tatlong buwang pagtatrabaho. Ito ay katumbas ng 75 porsyento ng minimum wage, habang ang 25 porsyento naman ay ibibigay ng kani-kanilang employer, depende sa minimum wage sa bawat lugar.
Dagdag pa rito, 112 kabataang benepisyaryo mula sa Maguindanao, 110 sa Basilan, at 208 mula sa mga probinsya ng Tawi-Tawi at Sulu ang nakatanggap ng tig P14,850 na sahod.
Ang GIP ay inisyatibo ng MOLE, sa ilalim ng Bureau of Employment Promotion and Welfare nito na naglalayong makapagbigay ng mga oportunidad sa mga bagong nagtapos ng kolehiyo na makapag trabaho sa gobyerno sa loob ng tatlong buwan.
Layunin din ng GIP na matulungan ang mga walang trabaho na nagtapos ng kolehiyo upang mapahusay pa ang kanilang mga kakayahan at talento. (With reports from Bangsamoro government/PIA-XII)