LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) — Aabot sa higit 700 telco subscribers ang nakapagpa-rehistro na ng kanilang mga prepaid at postpaid SIM card sa isinagawang facilitated SIM card registration ng National Telecommunications Commission (NTC) IV-A sa lalawigan ng Laguna mula Pebrero 20-24, 2023.
Nagtungo ang mga kawani ng NTC IV-A at mga empleyado ng Smart Telecommunications, Globe Telecom, at DITO Telecommunity upang gabayan ang pagpapa-rehistro ng SIM card ng telco users.
Sa bilang ng NTC IV-A umabot sa 776 ang kabuuang natulungang makapagpa-rehistro sa Facilitated SIM registration activity. 333 sa mga ito ay mula sa bayan ng Santa Cruz noong February 20, 134 sa Cavinti noong February 21, 83 sa Pagsanjan noong February 22, 102 sa Victoria noong February 23, at 124 SIM subscribers naman noong February 24 sa Los Baños.
Libre ang SIM registration at tanging hinihinging requirements ay isang government ID at selfie picture ng subscriber. Kailangan ding isumite ang ilang mga impormasyon gaya ng pangalan, contact details, at address.
Ayon kay Galeleo Mendoza, Engineer II ng NTC IV-A na naging maayos ang roll-out nila ng aktibidad sa lalawigan. Handa rin aniya ang kanilang mga kawani at SIM registration agents ng tatlong telecommunication companies upang tugunan ang mga katanungan ng ilang mga nahihirapang magpa-rehistro ng SIM kagaya ng mga senior citizen at mga walang smartphone.
Patunay rito si Emilia Barcenas, isang senior citizen mula Victoria, Laguna. Ayon kay Barcenas, naging maayos ang paggabay ng SIM card registration agent ng isang telco company sa kanya kaya’t mabilis na na-register ang kanyang SIM card. Naipaliwanag rin nang maayos ang proseso ng SIM registration na maaari ding gawin online ng kanyang mga kapamilya.
Natuwa naman si Nelia Apolinario mula Los Banos, Laguna sa pagpunta ng NTC IV-A at mga telco companies sa kanilang barangay. Kwento niya, bilang senior citizen ay hindi siya marunong mag-register online kaya’t mahalagang naiparehistro ang personal cellphone number na kanyang ginagamit upang makausap ang mga kamag-anak sa ibang bansa at makatanggap ng mga updates mula sa iba’t-ibang mga kakilala.
Patuloy na hinihimok ng Komisyon ang publiko na samantalahin ang pagkakataong magabayan at matulungan sila ng mga kawani ng komisyon at ng mga telecommunication companies, lalo na ang mga nahihirapang magpa-rehistro ng SIM card bago ang registration deadline sa April 26.
Inaasahang dadayo sa ilang mga bayan sa Laguna ang NTC IV-A at mga telcos ngayong Marso para sa pagpapatuloy ng facilitated SIM card registration sa mga bayan ng Nagcarlan, Calauan, at Bay. (CH/PIA-Laguna)
Handa ang mga kawani ng NTC IV-A at SIM registration agents ng tatlong telecommunication companies upang tugunan ang mga katanungan ng ilang mga nahihirapang magpa-rehistro ng SIM kagaya ng mga senior citizen at mga walang smartphone. (STT/PIA-4A)