Higit 8,000 bata sa Calaca target mabakunahan kontra polio, tigdas, rubella

CITY OF CALACA, Batangas (PIA) — Nasa 8,000 na mga bata sa lungsod ng Calaca, Batangas ang target mabakunahan kontra polio, tigdas, at rubella, sa pormal na paglulunsad ng “Chikiting Ligtas” immunization campaign ng Department of Health Center for Health Development (DOC-CHD) Calabarzon. 

Ang naturang kampanya na inilunsad sa buong bansaay naglalayong mapataas ang bilang ng mga batang nabibigyan ng routine immunization upang mapangalagaan sila laban sa exposure sa mga vaccine-preventable diseases(VPD).

Sa panayam kay DOH Calabarzon Assistant Director Dr. Leda Hernandez, nais ng ahensya na maabot ang 95% na target kaya’t patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga lokal na pamahalaan para mas lalong mapalakas ang Chikiting Ligtas campaign.

Aniya, dahilan sa nagdaang COVID, nagkaroon ng takot ang mga magulang upang pabakunahan ang kanilang mga anak kaya’t muling ibinabalik nila ang kampanya dahilan sa unti-unting bumabalik na sa normal ang sitwasyon at mababa na din ang bilang ng naapektuhan ng sakit.

Samantala, sinabi ni Dr. Sharon Ona, City Health Officer ng Calaca, nasa humigit kumulang 8,000 mga bata ang target mabakunahan sa buong lungsod.

Aniya, nagkaroon na ng oryentasyon sa barangay at gumawa ang CHO ng schedule para sa mga kawani nito upang mahati-hati sa 40 barangay ang gagawing pagbabakuna sa loob ng 30 araw simula Mayo 2-30.

“Ang Calaca po ay dati ng awardee sa National Immunization program kung kaya’t kabisado na ng mga kawani kung saan matatagpuan ang mga bata at sino ang kailangang mabakunahan. Mayroon kaming mga awareness campaign na isinasagawa tulad g paglalagay ng tarpaulin at aktibong pagpopost sa Gawang Calaca MIO Facebook page at umiikot din sa mg abarangay tatlong beses kada linggo upang makipag-ugnayan sa mga residente at pisyal ng barangay,” ani Ona.

Binanggit pa ni Ona, na sa tagal na panahong nagsasagawa sila ng pagbabakuna wala pa silang nararanasan na adverse effects at ang nakikita lamang nilang challenges sa pagbabakuna ay ang pagkawala ng mga bata kapag kailangan itong dalhin ng mga magulang sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan kaya’t upang maiwasan ito ay nakikipag-ugnayan sila sa barangay at nagbibigay ng schedule para mapaghandaan ng mga magulang.

Dagdag nito, nagkakaroon din sila ng pagbibigay pagkilala sa mga barangay dahilan upang maging masigasig ang mga ito sa mga immunization program ng pamahalaan. (BPDC, PIA Batangas)

In other News
Skip to content