Higit P166-milyong pinsala sa agrikultura naitala sa Batangas dahil sa Bagyong Carina, Habagat

LUNGSOD NG BATANGAS(PIA) — Umabot sa 22 bayan at lungsod sa lalawigan ng Batangas ang nakapagtala ng pinsala sa agrikultura at mga pananim bunsod ng pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat, ayon sa Office of the Provincial Agriculturist ng lalawigan.

Dulot ng matagalang pagbuhos ng ulan at pagbaha na sanhi ng Habagat na pinalakas ng Bagyong Carina, naitala ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang ₱166 Milyon na pagkasira ng mga pananim sa sektor ng agrikultura, habang ₱1,794,850 halaga ang pinsala sa industriya ng paghahayupan sa lalawigan.

Dahil na rin sa malawakang epekto ng nagdaang bagyo, isinailalim sa State of Calamity ang lalawigan matapos pagtibayin ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang deklarasyon sa pamamagitan ng isang special session noong Hulyo 24.

Matatandaan na nagdeklara ng State of Emergency si Batangas Governor Hermilando Mandanas at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Chairperson matapos makaranas ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan, matinding pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng probinsya na lubhang nakaapekto sa mga Batangueno.

Kaugnay nito, batay sa isinagawang monitoring ng PDRRMC at sang-ayon sa patuloy na epekto ng Habagat, iminungkahi ni Gov. Mandanas ang pagdedeklara ng State of Calamity sa probinsya.

Ayon kay Dr. Amor Calayan, pinuno ng Batangas PDRRMO, ang deklarasyon ay batay sa existing laws and guidelines kung saan naabot ng Batangas ang 15 porsyento ng kabuuang apektadong bilang ng mga residente ang nangailangan ng kagyat na tulong.

Sa datos ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), noong Hulyo 24 ay umabot sa 1,234 pamilya o 4,340 indibidwal ang naapektuhan mula sa 81 barangay mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Batangas.

Mayroong 761 pamilya o 2,616 indibidwal ang lumikas sa mga itinalagang evacuation centers sa probinsya habang ang iba ay pansamantalang nainirahan sa mga kaanak o kaibigan.

Naitala naman ang pagkasira ng bahagi ng Delivery Room at Operating Room Complex ng Apacible Memorial District Hospital sa bayan ng Nasugbu at pagbaha sa loob ng gusali.

Batay sa listahan na inilabas ng Mines and Geosciences Bureau ng mga pangunahing landslide at flood-prone area, tinatayang nasa 451,901 kabuuang bilang ng populasyon o 16% ng buong populasyon ng lalawigan ang maaaring maapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Sa kabuuang tala ng PDRRMC, mayroong limang katao na nasawi sa pananalasa ng bagyo at Habagat, kung saan isang indibidwal na nabagsakan ng puno sa bayan ng Nasugbu at apat na magkakapamilya na nabiktima ng landslide sa bayan ng Agoncillo. (MPDC/PIA-Batangas)

In other News
Skip to content