Thumbs Up. Bilang pasasalamat sa programa ng Pamahalaan, nagbigay ng thumbs up sign ang mga kasapi ng Camandang Irrigators
Association sa pangunguna ni Chairman Eduardo Tuquero. Kabilang ito sa mga samahan na benepisyaryo ng kabuuang P34.5 milyong
halaga ng mga traktora mula Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na ipinamahagi ng Philippine Center for Postharvest
Development and Mechanization Development (PhilMec) sa lalawigan. (VND/PIA Mimaropa)
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Aabot sa kabuuang P34.5 milyong halaga ng mga traktora ang ipinamahagi ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization Development (PhilMec) sa mga samahan ng mga magsasaka sa lalawigan at benepisyaryong Pamahalaang Lokal (LGU).
Ayon kay Niño Bengosta ng PhilMec, ang ipinamahaging mga traktora ay mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Component at kabilang sa 13 samahan na pinagkalooban nito ang Camandang Irrigators Association, Matabiaga Irrigators Association Inc., Nagkakaisang Lakas Multipurpose Cooperative, Barangay Batong Buhay Farmers Association, Lokal na Pamahalaan ng Rizal at iba pa. Ang mga nasabing makinarya ay may attachment na rotavator, disc plow at front loader.
Ayon kay Eduardo Tuquero, Chairman ng Camandang Irrigators Association ng Brgy. Monteclaro, San Jose, pangalawa na nila itong makinarya mula sa pamahalaan. Una silang tumanggap ng harvester noong 2021 at ngayon naman ay ang four-wheel tractor with implements. Lubhang kailangan nila aniya ang mga makabagong makinarya upang mapadali ang kanilang trabaho sa bukid at malaking tulong rin ang mga ito upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pagtatanim.
Sa mensaheng ipinaabot ni PhilMec Director Dionisio Alvindia sa seremonya ng pamamahagi, sinabi nito na umaasa silang malaki na ang naitulong ng RCEF upang mas maging competitive ang sektor ng agrikultura kumpara sa ibang mga bansa.
Dagdag pa ng opisyal, tanging mga bago at branded na makinarya na tiyak na pakikinabangan sa pagsasaka ang kanilang binibili at ipinamamahagi upang masiguro na makakatulong ang programa sa pagkakaroon ng sapat na supply ng pagkain sa bansa. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)