Higit P7.1M halaga ng illegal forest products, nasabat mula Enero-Abril sa Laguna

LOS BAÑOS, Laguna (PIA) — Libo-libong piraso ng mga tabla, kahoy, at mga rattan na walang kaukulang papeles ang nakumpiska ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Santa Cruz at Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Laguna sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan mula Enero hanggang Abril 2023.

Nagsagawa ng operasyon ang dalawang ahensya, katuwang ang law enforcement agencies gaya ng Philippine National Police (PNP), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at National Power Corporation (NAPOCOR) upang marekober ang mga produkto, sasakyan, at mga chainsaw na ginagamit sa ilegal na pagpuputol ng mga puno at pagproseso ng mga forest products.

Ilan sa mga nakumpiska sa mga operasyon ay 3,093 piraso ng lumber o flitches na may kabuuang sukat na 19,718.19 board feet; 346 piraso ng round logs o 7927.2 board feet; 169 piraso ng rattan poles; 150 sako ng uling, limang unit ng chainsaw at isang circular saw.

Sampung sasakyan na ginagamit sa pagta-transport ng mga produkto ang kasalukuyang naka-impound ngayon sa pasilidad ng CENRO Santa Cruz at PENRO Laguna.

Sa pulong ng Provincial Multi-Sectoral Forest Protection Committee and Provincial Anti-Illegal Logging and Timber Poaching Task Force nitong Mayo 9, binanggit ni Forester Daniel Arthur ng CENRO Santa Cruz, may kabuuang 33 apprehensions na ang ahensya, kung saan siyam na suspek ang nasampahan na ng kaukulang kaso sa korte, habang 20 naman ang pormal na inakusahan ng mga awtoridad.

Naghain na rin ng show-cause orders ang CENRO Santa Cruz sa mga establisimyentong nakikitaan nila ng paglabag sa mga batas pang-kalikasan.

Mula Enero hanggang Abril, umabot na sa 111 ang nakatanggap ng show-cause orders sa ikatlo at ikaapat na distrito ng Laguna, habang 25 ang naisyuhan ng notice of violation.

Naniniwala si PENRO Eriberto Saños na ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang magagawa ng iisang ahensya ng pamahalaan, kundi ng lahat ng sektor ng lipunan.

Dagdag niya, mahalagang bigyan ng prayoridad ang paglutas sa mga hamon at paglabag sa mga batas pangkalikasan upang maiwasan ang mapaminsalang epekto na dulot ng mga ilegal na gawain. (CH/PIA-Laguna)

In other News
Skip to content