Honorary Consulate of Poland, kauna-unahang konsulado sa Palawan
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Pormal nang binuksan ang kauna-unahang konsulado na naitatag sa Lungsod ng Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan nitong Marso 14, 2023.
Ito ay ang Honorary Consulate of Poland na matatagpuan sa 2nd Floor ng True Care Building sa Solid Road, Bgy. San Manuel.
Mismong si Chargé D’ Affaires Ad Interim Mr. Jarosław Szczepankiewicz kasama ang kanyang maybahay at delegasyon nito ang nanguna sa pagbubukas ng nasabing tanggapan.
Kasabay nito ay ang pormal ding pagkakatalaga kay Mr. Juan Andre Lacson bilang Honorary Consul ng nasabing konsulado.
Ayon kay Honorary Consul Lacson, ang presensiya ng konsulado sa Puerto Princesa at Palawan ay hindi lamang upang maprotektahan ang Polish Community at mga bisita sa rehiyon kundi ito ay testament ng pagkakaibigan, mutual commitment at progreso.
Sa datos ng Provincial Tourism Promotion and Development Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, nasa 6,463 mamamayan ng bansang Poland ang bumisita sa lalawigan ng Palawan noong 2019 kung saan pinakamarami sa mga ito ang tumungo sa Puerto Princesa.
Ayon kay Provincial Tourism Officer Maribel Buňi, natigil ang pagbisita ng mga mamamayan ng Poland sa Palawan noong taong 2020 at 2021 dahil sa pandemya. Ngunit nitong 2022 ay nakapagtala muli ng nasa 1,060 na mga dayuhan mula sa Poland ang bumisita sa lalawigan.
Sinaksihan naman nina Palawan 3rd District Representative Edward S. Hagedorn, Palawan Gov. Victorino Dennis M. Socrates, Puerto Princesa Vice Mayor Maria Nancy M. Socrates at Puerto Princesa City Administrator Atty. Arnel Pedrosa ang pagbubukas ng nasabing konsulado. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Mismong si Chargé D’ Affaires Ad Interim Mr. Jarosław Szczepankiewicz kasama angdelegasyon nito ang nanguna sa pagbubukas ng Honorary Consulate of Poland sa Palawan nitong Marso 14, 2023. (LArawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan).