Sa patuloy na pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) katuwang ang iba’t-ibang lokal na pamahalaan kontra dengue, mas mababa ng 7% ang naitalang kaso mula January 26 hanggang February 8, 2025 (14,460 na kaso) kumpara sa naunang petsa ng January 15 hanggang January 25 (15,550 na kaso).
Sa kabila nito, mas mataas pa rin ng 64% ang naitalang kaso ngayong taon kumpara noong 2024. Umabot na sa 52,008 ang kabuuang bilang mula January 1 hanggang February 22, 2025. Pinakamataas ang mga kaso sa rehiyon ng CALABARZON (10,759 na kaso), National Capital Region (9,302 na kaso), at Gitnang Luzon (8,652 na kaso).
Ang dami ng mga naitalang namatay hango sa mga nagkasakit ay tinatayang 0.36% ngayong taon–mas mababa kumpara sa 0.43% noong nakaraang taon. Isa sa nakikitang dahilan ng DOH sa pagbaba ng bilang ng mga namamatay sa dengue ay ang maagang pagpapatingin at mabilis na pagresponde sa pangangailangan ng pasyente para hindi na lumala pa ang kaso.
Mga batang edad 14 pababa ang bumubuo sa 56% ng kabuuang bilang ng mga kaso ng dengue hanggang February 22, 2025.
Hinikayat ng DOH ang lahat na patuloy na magsuot ng mga damit na may mahahabang manggas at pantalon, gumamit ng insect repellants, matulog sa loob ng kulambo habang natutulog, at umiwas sa mga lugar na maraming lamok.
Upang patuloy na mapababa ang bilang ng mga naitatalang kaso, panawagan ng DOH at ng mga lokal na pamahalaan ang “Taob, Taktak, Tuyo, Takip” na bahagi ng kampanyang “Alas Kwatro Kontra Mosquito” na naglalayong linisin ang mga daluyan o imbakan ng tubig na maaaring pangitlugan ng lamok.
“Huwag tayong maging kampante sa panganib ng dengue na dala ng lamok na Aedes. Karamihan sa mga naitalang kaso ng dengue ay nagpakita ng mga sintomas tulad ng mataas na lagnat, pagpapantal, pananakit ng katawan, pagsusuka, at pananakit sa likod ng mata. Kaya naman, inaanyayahan ko ang lahat na agad na magpakonsulta kung makaramdam ng mga sintomas na ito. Upang masiguro ang sapat na atensyong medikal sa mga pasyenteng may dengue, bukas na rin ang mga dengue fast lanes sa mga ospital ng DOH,” ani Health Secretary Teodoro J. Herbosa.
###