PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-MIMAROPA ang pilot implementation ng “i-Registro” sa ilalim ng First 1,000 Days (F1KD) program o ang i-Registro F1KD para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Palawan.
Ayon sa media release ng DSWD-MIMAROPA, ang i-Registro F1KD ay isang online at self-service platform para sa mga benepisyaryo ng 4Ps na nagpapahintulot sa kanila na magparehistro, mag-update, at beripikahin ang impormasyon ng kanilang sambahayan.
Sa pamamagitan ng sistemang ito ay mapapabilis ang proseso ng pag-update ng datos at beripikasyon ng mga benepisyaryo at masisiguro ng mga buntis at mga magulang ng mga batang may edad 0 hanggang 24 na buwan na laging updated ang kanilang rekord, na mahalaga para sa mas mabilis at maayos na pagproseso ng F1KD grants at iba pang serbisyong pangkalusugan.
Nagsimula ang pilot implementation ng programa nito lamang Pebrero 24 at magtatagal hanggang Pebrero 27, 2025 kung saan, saklaw nito ang 22 na barangay sa bayan ng Bataraza.
Ang aktibidad ay sa pamamagitan ng National Household Targeting Section (NHTS) katuwang ang National Household Targeting Office (NHTO) at ang 4Ps sa pakikipagtulungan naman ng mga Local Government Units (LGUs), Pantawid Pamilya Municipal Links (MLs), Barangay Health Workers (BHWs), at iba pang mahahalagang katuwang.

Bago ang pagrerehistro ay nagsagawa muna ng oryentasyon ang DSWD kung saan ipinaliwanag sa mga benepsiyaryo ng sistema ng i-Registro kabilang na ang proseso ng pagpaparehistro, mga kwalipikadong sumali, at ang mga serbisyong makukuha sa pag-update ng kanilang impormasyon.
Nagtalaga din ang DSWD ng assistance desk sa registration site upang matulungan ang mga may limitadong access sa internet o kakulangan sa kaalaman sa paggamit ng teknolohiya at upang gabayan ang mga benepisyaryo sa paggamit ng online portal at masigurong matagumpay ang kanilang pagpaparehistro.
Ipinaliwanag din ng DSWD-MIMAROPA na mahalaga ang i-Registro dahil ito ay isang mas mabilis, mas madali, at mas epektibong paraan upang i-update ang impormasyon ng sambahayan. Sa pamamagitan ng mobile phone o computer, maaaring gawin ang update kahit kailan at kahit saan man.
Ang sistemang ito ay nagpapabilis din sa pagpoproseso ng cash grants at nagpapadali sa beripikasyon ng impormasyon ng mga benepisyaryo kaya’t mas madaling matukoy kung sino ang kwalipikado sa mga serbisyong ipinaaabot ng ahensiya.
Ang platform ay maaaring ma-access sa iregistro-4ps.dswd.gov.ph. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan/May kasamang ulat at larawan mula sa DSWD-MIMAROPA)