LUNGSOD QUEZON, (PIA) –Nagsagawa kahapon (Setyembre 5) ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Lokal na Pamahalaan ng Quezon City at San Juan ng inspeksyon sa Agora Public Market at Mega QMart para tiyakin ang pagsunod ng rice retailers sa mandated price ceilings sa bigas sa ilalim ng Executive Order No. 39.
Ang E.O. 39 na ipinalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagtatakda ng price ceilings sa bigas ay ipinatupad upang maiwasan ang illegal na pagmamanipula sa presyo at ang hindi makatarungang taas presyo ng bigas.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, ang MMDA ang magiging tulay sa pagitan ng national government at mgalokal na pamahalaan sa National Capital region (NCR) para maipaabot sa mga kinauukulan ang feedback sa implementasyon ng price ceilings at para magawan ito ng mga programa ng gobyerno upang tiyakin na nasusunod ang kautusan ng Pangulo, gayundin upang seguraduhin na operational ang Local Price Coordinating Councils (LPCC).
Sa ilalim ng E.O. 39, ang regular milled rice ay Php 41 per kilogram habang ang will-milled rice ay Php 45 per kilogram.
Samantala, sinabi naman ni Metro Manila Council chair at San Juan City Mayor Francis Zamora na makikipag-ugnayan siya sa lahat ng Metro Manila Mayors para maipatupad ang presyo ng bigas na nakasaad sa Executive Order ni Pangulong Marcos.
Saad naman ni DILG Sec. Benjamin “Benhur” Abalos Jr., na nauunawan ng Pangulo ang hinaing ng mga rice retailers at handang tumulong ang National Government sa pamamagitan ng paglaan ng pondo para sa kanila.
Pinangunahan nina MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, DILG Sec. Benjamin “Benhur” Abalos Jr., DTI Asec. Agaton Teodoro Uvero, DA Senior Usec. Domingo Panganiban, Metro Manila Council President and San Juan City Mayor Francis Zamora, and Quezon City Mayor Joy Belmonte ang inspeksyon. (mmda)