LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Itinurnover kamakailan ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MBHTE-BARMM) ang Iba’t ibang Information Technology (IT) equipment sa Cotabato City Schools Division.
Ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng ministry na makapagbigay ng learning materials lalo na sa muling pagpapatupad ng face-to-face classes sa rehiyon.
Kabilang sa itinurnover ang 5,500 android tablets, 10 units ng laptops, 53 desktop computers, 11 duplicators, at 53 printers.
Ipinaabot din ng MBHTE ang 88 wall fans, tatlong water dispensers, tatlong air purifiers, at 10 tumblers.
Sa kanyang pahayag ay nagpasalamat si Cotabato City Schools Division Superintendent Dr. Concepcion Balawag sa ministry para sa nasabing kagamitan.
Siniguro din ni Balawag na kanilang iingatan at susubaybayan ang paggamit ng mga ito.
Samantala, binigyang-diin ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal na lahat ng schools divisions sa buong rehiyon ng BARMM ay makatatanggap ng kaparehong kagamitan. (With reports from MBHTE-BARMM).