IDPs sa Maguindanao del Sur, nakatakdang makabenepisyo sa housing project ng BARMM Gov’t

LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Magkakaroon na ng sariling bahay ang Internally Displaced Persons (IDPs) o mas kilala sa tawag na mga “bakwit” mula sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao del Sur matapos ang isinagawang groundbreaking ceremony noong Lunes, Pebrero 20, sa nabanggit na bayan.

Ayon sa pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), 84 na housing units ang itatayo sa naturang bayan na nagkakahalaga ng P42 milyon.

Ito ay pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act of the Bangsamoro (GAAB) 2021 na layong makapagbigay ng pabahay sa mga mahihirap na pamilya na nawalan ng tirahan dulot ng mga armadong tunggalian at iba pa.

Sinabi ni Ministry of Social Services and Development (MSSD-BARMM) minister Atty. Raissa Jajurie na ang nasabing interbensyon ay bahagi ng mas pinatibay na solusyon ng pamahalaan ng BARMM upang matulungan ang IDPs.

Ayon pa sa MSSD, matagal na aniyang plano ito ng ministry at ng lokal na pamahalaan ng bayan noon pang taong 2019. Matapos ang mga serye ng evaluation ay naisakatuparan din umano ang nasabing proyekto. (With reports from Bangsamoro Government).

In other News
Skip to content