Ika-125 anibersaryo ng Labanan sa Pasong Tirad at kabayanihan ni Hen. Gregorio del Pilar, gugunitahin

MANILA — Sa pangunguna ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP), gugunitahin ng Sambayanang Pilipino ang Ika-125 Anibersaryo ng Labanan sa Pasong Tirad at Kabayanihan ni Heneral Gregorio Del Pilar, sa ika-2 ng Disyembre 2024, Pasong Tirad, Gregorio Del Pilar, Ilocos Sur.

Kasama sa paggunita ang Pamahalaang Bayan ng Gregorio Del Pilar, Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Sur, Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, at NHCP Museo ni Marcelo H. del Pilar. Kasabay sa paggunitang ito ang pormal na paglulunsad ng ika-150 Anibersaryo ng Kapanganakan ni Gregorio Del Pilar.

Ang Labanan sa Pasong Tirad (2 Disyembre 1899) ay kinikilala bilang isa sa pinakamahalagang labanan ng Digmaang Pilipino-Amerikano 1899-1901. Upang bigyan ng karagdagang panahon si Pangulong Emilio Aguinaldo at ang pamahalaan ng Unang Republika ng Pilipinas na makalayo sa mga sumusunod na kawal ng Estados Unidos, pinili nina Heneral Gregorio Del Pilar at 60 na kasamang sundalo na tumindig sa Pasong Tirad, Concepcion (ngayo’y Bayan ng Gregorio Del Pilar), Ilocos Sur.

Tagumpay na napigilan ng hukbong Pilipino ang mahigit 300 na sundalong Amerikano na makaraan sa Pasong Tirad sa loob ng mahigit kalahating araw.  Ngunit nakahanap ng ibang ruta ang mga sundalong Amerikano na siyang naging mitsa ng tuluyang mapalibutan at maubos ang hukbong Pilipino.

Ang kanilang kabayanihan ay nagtagumpay sa mithiin nilang mabigyan ng karagdagang panahon sina Pangulong Aguinaldo na maka-layo at makatakas sa mga sumusunod na hubkong Amerikano.

Nanatiling malaya ang Unang Republika hanggang ika-23 ng Marso 1901 nang madakip ng mga Amerikano si Pangulong Aguinaldo sa kanyang himpilan sa Palanan, Isabela.  (NHCP)

In other News
Skip to content