Ika-125 taong anibersaryo ng DepEd, ginunita sa Marinduque

BOAC, Marinduque (PIA) — Bumida ang iba’t ibang aktibidad ng Schools Division of Marinduque sa pagdiriwang ng ika-125 taong anibersaryo ng Department of Education (DepEd), kamakailan.

Ang taunang selebrasyon na may temang ‘Isang Pamilya para sa Matatag na Kagawaran’ ay sinimulan sa pamamagitan ng misa ng pasasalamat at parada na pinangunahan nina Dr. Lynn G. Mendoza, OIC-Schools Division Superintendent at Dr. Felix Famaran, Assistant Schools Division Superintendent.

Sa mensahe ni Mendoza, pinasalamatan niya ang lahat ng mga guro, kawani at mga mag-aaral gayundin ang kani-kanilang mga pamilya dahil sa sakrispisyo at kontribusyon ng mga ito na ipinagkaloob sa DepEd.

Hinimok din ng Schools Division Superintendent ang bawat isa na pasalamatan ang lahat ng mga stakeholder na naging katuwang ng kagawaran para maabot ang pinakamataas na layuning mabigyan ng maayos na edukasyon ang mga kabataan.

“Kung ating bibilangin ang mga taon na tayo ay naglilingkod sa Department of Education, marami tayong dapat ipagpasalamat hindi lamang sa ginawa niya para sa atin bilang kanyang mga kawani kundi pati na rin sa ating pamilya. At dahil diyan, ipakita natin ang pagmamahal sa DepEd sa pamamagitan ng maayos na paglilingkod bilang kanyang kawani. Sama-sama nating abutin ang pinakamataas na layunin na bigyan ng maayos na edukasyon ang mga bata upang maging produktibo silang mga mamamayan sa hinaharap at tulungan natin silang maging matatag sa pagharap sa hamon ng buhay,” pahayag ni Mendoza.

Samantala, naging sentro ng pagdiriwang ang naganap na patimpalak sa pag-awit na nilahukan ng siyam na guro mula sa iba’t ibang distrito ng lalawigan. Nagkaroon din ng pagkilala sa mga pinakamahusay na paaralang nagpapatupad ng kasarian at pag-unlad (Gender and Development) na sinundan ng “Laro ng Lahi” katulad ng patintero, tumbang lata at patamaang bola na nilahukan ng mga kawani ng Schools Division Office. (RAMJR/AMKDA/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content