Ika-apat na taon ng pagkakatatag ng BARMM, ipinagdiwang; Mas progresibo at mapayapang Bangsamoro isinusulong

LUNGSOD NG COTABATO (PIA)–Sama-samang ipinagdiwang ng mamamayang bangsamoro ang ika-apat na taong pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o mas kilala bilang BARMM sa bisa ng Republic Act 11054 o ang Bangsamoro Organic Law.

Tampok sa Bangsamoro Foundation Day ang iba’t ibang aktibidad at serbisyo na hatid ng BARMM regional government.

Ibinida ni BARMM Chief Minister Ahod Murad Ebrahim ang mga napagtagumpayan ng pamahalaan sa loob ng apat na taon kabilang ang mga programa, proyekto at serbisyo para sa lahat ng mamamayang bangsamoro.

“Apat na taon na ang nagdaan, subalit sariwa pa rin sa ating mga puso’t isipan ang araw na nagkaisa ang mga Bangsamoro sa pagratipika ng Republic Act 11054 o ang Bangsamoro Organic Law na siyang nagbigay daan upang makamit ang ating pagkakakilanlan, kalayaan, kapayaan na ating tinatamasa ngayon. Sa nakalipas na apat na taon, marami na tayong nalagpasang mga pagsubok at mga napagtagumpayan kabilang na dito ang pandemya na Covid-19 at ang pagpapalawig ng Bangsamoro Transition Authority hanggang sa taong 2025,” pagbibigay diin ni Ebrahim.

Sa ilalim ng temang sama-samang pagtaguyod sa isang mas mapayapa at mas masaganang Bangsamoro ay hinikayat ni Ebrahim ang mamamayang Bangsamoro na patuloy na magkaisa sa layunin tungo sa isang mas progresibo at mapayapang rehiyon.

“Sa aking mga kapwa bangsamoro, panata namin na pagtibayin at palakasin ang pundasyon ng ating awtonomiya para sa susunod na henerasyon,” dagdag pa ni Ebrahim.

Isa rin sa mga atraksyon ng selebrasyon ang makukulay na pailaw tuwing gabi sa Bangsamoro Government Center na dinarayo ng mga residente.

Binigyang pagkilala rin ang mga bukod tanging lokal na pamahalaan sa rehiyon na naging mga katuwang ng pamahalaan ng BARMM sa pagtataguyod ng rehiyong Bangsamoro. (PIA-XII)

In other News
Skip to content