LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Isinagawa kamakailan ang ikalawang yugto ng SIM Registration sa lalawigan ng National Telecommunications Commission (NTC-4B) kasama ang tatlong Public Telecommunications Entities (PTEs) na Globe, Smart at DITO sa bayan ng Naujan upang matulungan ang mga Naujeños na mairehistro ang Subscriber Identification Module o SIM card na ginanap sa Colegio De Naujan Covered Court, Mena G. Valencia Gymnasium at sa Municipal Hall.
Sa mensahe ni NTC Regional Director, Engr. Ronald Cabute sinabi nito na “Ayon sa huling talaan ng aming punong tanggapan noong Pebrero 5, nasa 17.38 porsiyento na ang mga nairehistrong SIM cards sa buong bansa na sa kabuuang bilang ng subscribers na 168,977,773 ay nasa 29,357,525 na ang registered.”
Sa ngayon din anya, ang bilang ng mga subscribers ng DITO ay 13,108,103, ang Globe ay 87,873,936 at Smart 67,995,734.
Samantala, muling nagpaalala ang NTC na ang layunin ng nasabing pagpaparehistro ng SIM ay upang maiwasan ang mga text scam at text spam, at mga panloloko na humihingi ng pera o anumang bagay at ito ay isinabatas noong Oktubre 10, 2022 na nilagdaan ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at naging epektibo noon lamang Oktubre 28 bilang Republic Act 11934.
Nakatakda din gawin ang SIM Registration sa mga susunod na araw sa lalawigan ng Romblon at Palawan na magtatapos sa darating na Abril 26. (DN/PIA-OrMin)