Ilang residente ng Sariaya, nabigyan ng serbisyong medikal

SARIAYA, Quezon (PIA) — Lubos ang pasasalamat ng higit sa 500 residente ng Barangay Guisguis, San Roque, Sariaya, Quezon matapos silang mabigyan ng medikal na atensyon sa mga iniindang sakit sa idinaos na Medical Mission o Lingap sa Mamamayan Libreng Gamutan kamakailan.

Ayon sa Quezon Public Information Office,  pinangunahan ni Doctor Kim Tan, anak ni Governor Doktora Helen Tan ang operasyon sa ilang residente na may mga iniindang bukol sa katawan, samantalang ang gobernadora naman ay nagcheck-up ng ilang pasyente.

Ayon kay Doc Tan, kailangan ng mga mamamayan ng ikalawang distrito ng lalawigan ang lunas at kagalingan kaya naman tuloy-tuloy ang isasagawang mga medical mission sa iba’t ibang bayan at lungsod.

Samantala, nagkaloob din ng libreng mga gamot at iba’t ibang serbisyong medikal tulad ng checkup sa bata at matanda, dental services, FBS, ultrasound at ECG bukod sa mga libreng operasyon.

Ang medical mission na programa ng pamahalaang panlalawigan ay dinaluhan rin nina Vice Governor Third Alcala, Bokal Vinnette Alcala-Naca, Bokal Yna Liwanag, Konsehal Vince Alcala at Konsehal Arlene Genove. (RO/PIA-Quezon)

In other News
Skip to content