Impartiality, susi sa matagumpay na Eleksyon 2025

LUNGSOD QUEZON (PIA) — Binigyang-diin ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Irwin Garcia na sa pagsisimula ng mga poll body checkpoints ang kahalagahan ng “impartiality” o walang kinikilingan sa pagpatupad ng mga tuntunin upang masiguro ang mapayapang halalan.

Sa idinaos na pulong-balitaan para sa Eleksyon 2025 sa Kartilya ng Katipunan, Padre Burgos, Manila, sinabi rin ni Garcia na ang impartiality ay hindi lamang tungkulin ng COMELEC, kundi pati na rin ng mga pangunahing ahensya ng pamahalaan tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), na katuwang ng poll body sa pagbabantay ng halalan.

Bakit mahalaga ang impartiality?

Ang pagiging impartial, o patas at walang kinikilingan na pagpatutupad ng election rules ay mahalaga upang tiyakin ang integridad ng halalan. Ayon kay Garcia, narito ang mga dahilan kung bakit ito mahalaga:

  • Pagtiyak ng seguridad: Ang neutralidad ng mga nagpapatupad ng batas ay nagbibigay-daan sa ligtas na pagboto nang walang takot o diskriminasyon.
  • Pagsunod sa batas: Ang pantay na pagpapatupad ng mga regulasyon ay nagiging susi upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa halalan.
  • Pagtaas ng tiwala ng publiko: Ang pagiging patas ng mga tagapagpatupad ng batas ay nagdadala ng kumpiyansa sa mga mamamayan, kaya’t mas nagiging aktibo ang kanilang partisipasyon.

Kinilala ni Garcia ang mahalagang papel ng PNP sa pagtiyak ng seguridad sa halalan.

“Basta gawin niyo ng tama ang inyong trabaho. We will always be behind you,” aniya.

Isang mensahe ng suporta ito para sa mga awtoridad na tumutulong sa pangangalaga ng karapatan ng bawat botante.

Binanggit din ni Garcia na ang matagumpay na halalan ay nakasalalay sa pagiging transparent at may integridad ng bawat kalahok. Ang halalan ay hindi lamang isang proseso kundi isang hakbang tungo sa mas matatag na demokrasya.

“Ang ating mga kababayan ay hindi naman takot sa pulis. Ang ating mga kababayan basta makita nila na Ipinapakita ng PNP o ng iba pang law enforcement agencies na sadyang nagpapatupad lang tayo ng batas dahil iyon ang ipinag-uutos, sumusunod sila,” saad pa ni Garcia.

Ipinaalala rin ni Garcia na sa nalalapit na halalan ang pagiging impartial at transparent ay responsibilidad ng lahat. Hinimok din niay ang mga Pilipino na gamitin ang kanilang boses at maging aktibo sa pagsusulong ng malinis na halalan. (AVS / PIA-NCR)

In other News
Skip to content