DAET, Camarines Norte (PIA) – Pinahintulutan na ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang face-to-face visitation o dalaw sa Daet District Jail at Labo District Jail sa lalawigang ito.
Ang desisyon ng BJMP ay alinsunod sa pagluwag ng health protocols batay sa mga bagong labas na patakaran ng pamahalaan.
Naging mahigpit ang BJMP noong kasagsagan ng pandemya sa Covid-19, at kabilang sa health protocols ang pagbabawal ng in-person visitations sa mga jail facilities.
Nagsagawa rin ng pagtala ng mga inaasahang bibisita sa bawat persons deprived of liberty (PDL) na pawang mga direktang kaanak lamang nila.
Para makabisita ang mga kaanak, dapat na may bakuna kontra COVID-19 at kailangang ipakita nila ang kanilang vaccination card bukod pa sa kanilang mga ID bilang pagkakakilanlan.
Sa patuloy na pagtaas ng congestion rate sa mga piitan, umabot na sa 720% ang pagsisikip sa Daet District Jail at 17% naman sa Labo District Jail.
Nagpapasalamat naman ang administrator ng BJMP Camarines Norte na si Jail Senior Inspector Ramon A. Rafer hindi lamang sa komunidad para sa suporta, pagtanggap at pag-unawa ng mga ito lalo pa sa mga kaanak ng mga nakakulong, kundi pati na rin sa bawat personnel ng BJMP dahil sa sakripisyo ng mga ito upang lubos na maihatid ang serbisyo para dito.
Patuloy ang pagsisikap ng pamunuan ng jail bureau upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga PDL lalo na sa aspetong medikal, ispiritwal, at sikolohikal. (PIA5/ Camarines Norte/ ulat mula sa tanggapan ng Daet District Jail)