Industriya ng saging at abaka sa Kidapawan, pinalalakas ng DOST XII

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA) — Pinalalakas ngayon dito sa lungsod ang industriya ng saging at abaka upang matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng masaganang ani at mataas na kita.

Kaugnay nito, kamakailan ay lumagda sa kasunduan ang Department of Science and Technology at ang 3Js Nursery and Tissue Laboratory may kaugnayan sa pagtatayo ng enzyme-linked immunosorbent assay o ELISA Testing Facility.

Ang pasilidad na popondohan ng 2.5 milyong pisong halaga mula sa Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP ng DOST ay may layuning maisulong ang quality control at maagang pagtuklas ng mga sakit sa tanim.

Gamit ang ELISA machine ay mas mabilis at maayos na masusukat ang mga reaksiyon ng antigens at antibodies sa pamamagitan ng enzyme activity.

Kapag nakumpleto ang proyekto, ang ELISA Testing Facility sa Kidapawan ang kauna-unahan sa buong Rehiyon Dose.

Umaasa naman ang pamunuan ng 3Js Nursery and Tissue Laboratory na sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya ay maisusulong ang pagkakaroon ng dekalidad na tissue-cultured banana at abaca plants.

Binigyang-diin naman ng DOST XII Regional Director Engr. Sammy Malawan na patuloy ang ginagawang paghahatid ng DOST ng mga interbensyon sa ikauunlad ng mga benepisyaryo lalo na ng mga maliliit na negosyante at malalayong komunidad. (SJDM – PIA Cotabato Province)

In other News
Skip to content