Inflation rate ng Marinduque, tumaas ng 2.1% noong Disyembre 2024

BOAC, Marinduque (PIA) — Tumaas ng 2.1 porsyento ang inflation rate sa lalawigan ng Marinduque ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay PSA Marinduque Chief Statistical Specialist Gemma N. Opis, ang pagtaas nito ay dala ng presyo ng mga pagkain at mga inuming “non-alcoholic,” pabahay, patubig, elektrisidad, gas at iba pang produktong petrolyo.

Dagdag ni Opis sa isinagawang press conference kamakailan, ika-apat ang Marinduque sa buong rehiyong MIMAROPA na nakapagtala ng mataas na inflation rate nitong nakalipas na buwan ng Disyembre 2024 kasunod ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro at lungsod ng Puerto Princesa sa Palawan.

“Ang mga lalawigan ng Marinduque at Oriental Mindoro lamang ang nakapagtala ng pagbilis sa antas ng inflation noong Disyembre 2024,” sinabi ni Opis.

Pangunahing dahilan ng pagtaas ng antas ng inflation noong Nobyembre kaysa Disyembre 2024 ay ang mabilis na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages na may 3.2 porsyentong at 78.4 percent shares naman sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa buong lalawigan.

Dagdag pa niya, sa kabuuang nakalipas na taong 2024, ang karaniwang inflation ng probinsya ay 1.1 porsyento lamang, habang ang Purchasing Power of Peso o PPP ay nananatili sa P0.75.

Mahalaga aniya ang datos na ito na umaayon sa kondisyon ng ekonomiya at ipinapaalam ang mga hamong kinakaharap ng mga mamamayan sa probinsya. (DN/PIA MIMAROPA–Marinduque)

In other News
Skip to content