Inflation rate ng Oriental Mindoro bahagyang bumilis dahil sa pagtaas ng kuryente

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Bahagyang bumilis sa 3.3 porsyento ang antas ng inflation para sa buwan ng Hunyo sa lalawigan ng Oriental Mindoro, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

“Ang headline inflation o ang pagtaas ng produkto at serbisyo sa probinsya ay bumilis sa antas na 3.3 porsyento nitong Hunyo 2024. Noong buwan ng Mayo 2024, naitala ang inflation sa antas na 3.1 porsyento,” pahayag ni PSA Oriental Mindoro Officer-In-Charge Donna Marie Mobe.

Ayon kay Mobe, ang pangunahing nag ambag sa pagtaas ng inflation ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng kuryente sa lalawigan. Noong buwan ng Mayo ay nakapagtala lamang ito ng 1.5 porsyento, ngunit tumaas ito sa 6.0 porsyento nitong buwan ng Hunyo.

Dagdag ni Mobe, ang karaniwang inflation sa lalawigan mula Enero hanggang Hunyo ay nasa antas na 2.9 porsyento at may kabuuang 67.7 percent shares sa pagtaas ng pangkalahatang inflation.

Ang pangalawang dahilan ng pagtaas ng inflation noong Hunyo ay ang mabilis din na pagtaas ng halaga ng food at non-alcoholic beverages na nakapagtala ng 1.8 porsyento. Sumunod naman ang information and communications technology tulad ng computers, laptops at tablets na may 2.3 porsyento. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)

In other News
Skip to content