Inflation rate ng Puerto Princesa bumaba sa 7.9%


Iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA)-Palawan Chief Statistical Specialist Maria Lalaine M. Rodriguez sa pamamagitan ng press conference nitong Disyembre 10, 2023 ang inflation rate ng Lungsod ng Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan para sa buwan ng Disyembre 2022. (Larawan ni Orlan C Jabagat/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa antas na 7.9% nitong Disyembre 2022 mula sa 8.6% inflation noong Nobyembre 2022 sa lungsod.

Sa taong 2022 ay nakapagtala ng average na 7.2% inflation rate ang lungsod na mas triple ang taas mula sa 2.4% average inflation rate noong 2021.

Ito ang iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA)-Palawan Chief Statistical Specialist Maria Lalaine M. Rodriguez sa pamamagitan ng press conference nitong Enero 10, 2023.

“Ang dahilan ng mabagal na antas ng inflation sa lungsod ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng transport. Ito ay may 8.1% inflation at 56.1% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation,” ang ulat ni Rodriguez.

Aniya, isa sa nag-ambag sa pagbaba ng inflation ng transport ay ang fuel and lubricants for personal transport equipment na may kabuuang 3.7% inflation, kabilang dito ang gasolina.

Samantala, nananatili naman sa 9.9% ang inflation rate ng lalawigan ng Palawan mula Nobyembre 2022 hanggang Disyembre 2022.

Mayroong average na 8.2% ang inflation rate ng Palawan sa taong 2022 kung saan mas mataas ito ng mahigit tatlong beses mula 2.4% inflation rate ng lalawigan noong 2021.

“Ang pangunahing nag-ambag sa naitalang pagtaas ng inflation nitong Disyembre 2022 ay ang mas mabilis na pagtaas ng ‘food and non-alcoholic beverages. Ito ay may 13% inflation at 69.2% share sa pangkalahatang inflation sa lalawigan,” pahayag ni Rodriguez.

Dagdag nito, ang mga pangkat ng pagkain ang pangunahing nag-ambag sa inflation ng food and non-alcoholic beverages ay ang mga sumusunod: Cereal and cereals products, gaya ng bigas.

Nagpakita naman ng pagtaas ng presyo ngunit sa mas mabagal na antas transport na may 5.2% inflation.

Ang 13 commodity group na naging basehan ng PSA sa pagtala ng inflation rate ng lungsod at lalawigan ay ang sumusunod: Food and Non-alcoholic beverages; Alcoholic beverages and tobacco; Housing, water, electricity, gas and other fuels; Furnishings, household maintenance; Health; Transport; Information and communication; Recreation, sport, and culture; Education services; Restaurants and accommodation services; Financial services; Personal care, and miscellaneous goods and services.

Ani Rodriguez, inilalabas ng kanilang tanggapan ang mga datos na ito para magamit ng mga pamahalaang lokal upang makapagsagawa ng mga polisiya kung paanong mapanatili o mapababa pa ang inflation rate ng isang lugar.

Ang pag-uulat ng inflation rate o ang paggalaw ng presyo ng mga bilihin ay regular nang isasagawa ng PSA-Palawan kada buwan. (OCJ/PIA-MIMAROPA)

Larawan sa Itaas: Photo courtesy of Edong Magpayo, Puerto Princesa City

In other News
Skip to content