SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Umakyat sa 9.3% ang kabuuang inflation rate sa lalawigan para sa buwan ng Marso 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Nangangahulugan ito na higit na tumaas ang presyo ng ilang mga bilihin at serbisyo sa lalawigan noong Marso kumpara sa buwan ng Pebrero 2023 kung kailan naitala naman ang 8.7% inflation rate.
Sa ipinatawag na press conference ng PSA kamakailan ay ibinahagi ni Dr. Maribel Bernardo, Chief Statistical Specialist ng PSA OccMdo, ang mga commodity group na may malaking ambag sa inflation nitong nagdaang buwan. Una rito ang housing, water, electricity, gas and other fuels na nakapagtala ng 8.8% inflation kumpara sa 5.8% level noong Pebrero. Sa iprinisentang figures ng PSA, mula sa 4.1% tumaas ang housing rentals sa 10.9%, habang mula 10.3%, tumaas sa 10.8% ang kuryente.
May pagtaas din sa Food and Non-alcoholic beverages na mula 10.2% inflation ng Pebrero, ay naging 10.3% ng Marso 2023. Ang Alcoholic beverages at tobacco ay 10.7% noong Pebrero at 16.0% ng Marso. Ang clothing and footwear naman tumaas mula 4.0 %, sa 6.8% noong Marso.
Sa ulat pa rin ng PSA, ang iba pang produkto na tumaas ang presyo ay ang mais (11.1%) at flour, bread at iba pang bakery products (12.9%). Kabilang din ang karne, dairy products, mantika, prutas, at mga ready-made food food products sa mga nagmahal ang presyo.
Ayon sa Provincial Planning and Development Office (PPDO), natukoy na ng Pamahalaang Panlalawigan ang ilang mga hakbang upang matulungan ang mga mamamayan sa epekto ng mas mataas na inflation rate. Kabilang dito ang pagpapaigting ng regular programs at pagtulong sa sektor na lubhang apektado. Ganito rin ang tugon ng tanggapan ng Provincial Agriculturists Office (OPA) at Department of Trade and Industry (DTI) OccMdo. Ayon sa DTI, dahil noong Pebrero 2023 ay nakitang tumaas ang presyo ng asukal, mahigpit itong tinutukan sa kanilang price monitoring sa malalaking tindahan.
Samantala, nilinaw ni Dr. Bernardo na kabilang sa mandato ng PSA ang maglabas ng mga datos na magagamit ng mga pamahalaang lokal at iba pang ahensya o tanggapan. Aniya, ang inflation at kahalintulad na mga impormasyon ay batayan ng mga kinauukulan para sa mga programa na tumutulong sa mga mamamayan, lalo ang mga higit na nangangailangan.
Para sa mas kumpletong detalye ng March 2023 Inflation sa OccMDo, maaring makipag ugnayan sa tanggapan ng PSA sa Ramirez-Lopez Condominium Building Brgy 3, Mamburao o tumawag sa 09161421310. (VND/PIA MIMAROPA)
Ipinaliliwanag ng PSA OccMdo ang sanhi ng Inflation at mga posibleng epekto nito. (PIA OccMdo)