BOAC, Marinduque (PIA) — Sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ng 1.3 porsiyento ang galaw ng presyo ng mga bilihin sa Marinduque mula sa 7.6 porsiyento na tala noong Hunyo 2023.
Ang patuloy na pagbaba ng inflation ay dulot ng mabagal na paggalaw ng mga presyo ng ilang grupo ng kalakal tulad ng pagkain at hindi nakalalasing na inumin na nasa 9.9 na porsiyento, kasuotan at sapatos sa 1.1 porsiyento at kalusugan sa 1.7 porsiyento.
Ayon kay Gemma Naling-Opis, Chief Statistical Officer ng PSA-Marinduque, nagkaroon din ng mas mababang taunang pagtaas sa presyo ng alak at tabako na nasa 10.6 porsiyento, mga kagamitan sa bahay at iba pang kasangkapan na nasa 6.2 porsiyento.
Dagdag ni Opis, posibleng may epekto ang pagtatapos ng mga klase sa mga paaralan dahil sa tinatawag na supply at demand pagdating sa pagkuha ng datos sa presyo ng mga bilihin dahil nabawasan ang demand para sa pagkonsumo ng mga nasabing kalakal.
“Hindi man natin masasabi na may direkta itong ugnayan pero posible pong nagkaroon ng epekto ang paggalaw ng presyo ng mga bilihin dahil tapos na ang mga klase ng mga bata at sila po ay nasa bahay na lamang kaya maaaring nabawasan ang demand pagdating sa pagkonsumo ng ating pagkain,” ayon kay Opis.
Samantala, ang kakayahang bumili ng piso ng lalawigan ay nanatili sa 0.78 noong Hulyo mula sa datos na 0.82 sa kaparehong buwan noong taong 2022. Bilang resulta, mas kaunti ang mga kalakal na maaaring mabili ng mga mamimili kumpara sa mas mataas na purchasing power. Bukod dito, ang pagbaba ng purchasing power of peso (PPP) ay dahil sa mas mataas na inflation rate dahil sa pagkakaroon nito ng magkasalungat ng ugnayan. (RAMJR/AMKDA/PIA Mimaropa-Marinduque)