‘Inflation’ sa Puerto Princesa City at Palawan, bumagal ngayong Enero 2023
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Mas bumagal ang pagtaas o paggalaw ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa lungsod at lalawigan ngayong Enero 2023, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA)-Palawan.
Sa press conference nitong Pebrero 10, 2023, iniulat ni PSA-Palawan Chief Statistical Specialist Maria Lalaine M. Rodriguez ang paggalaw ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa lalawigan ng Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa kung saan bumaba sa 8.7% ang inflation rate ng lalawigan ng Palawan ngayong Enero 2023. Mas mababa ito ng 1.2% kumpara sa inflation rate ng lalawigan noong Disyembre 2022.
Samantala, bumaba din sa 6.6% ang inflation rate ng Lungsod ng Puerto Princesa sa Enero 2023. Mas mababa rin ito ng 1.3% kumapara sa 7.9% inflation rate noong Disyembre 2022.
“Ang dahilan ng mas mabagal na antas ng inflation sa lalawigan ay ang mas mabagal na pagtaas ng ng presyo ng food and non-alcoholic beverages. Ito ay may 11.2% inflation at 93.6% share sa pagbaba ng pangkalahatang inflation sa lalawigan,” ulat ng Rodriguez.
Aniya, ang nag-ambag ng pagbaba ng inflation ng food and non-alcoholic beverages ay ang mga sumusunod cereal and cereal products partikular ang bigas; housing, water, electricity, gas and other fuels; at ang restaurant and accommodation services.
Sa 13 commodity groups, apat ang nagtala ng mas mabagal na pagtaas ng presyo nitong Enero 2023. Ito ay ang mga susmusunod food and non-alcoholic beverages; housing, water, electricity, gas and other fuels; restaurant and accommodation services; Recreation, sports and culture.
“Ang dahilan naman ng mabagal na inflation sa Lungsod ng Puerto Princesa nitong Enero 2023 ay mas mabagal na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages. Ito ay may 9.5% inflation at 53.2 % share sa pagbaba ng pangkalahatang inflation sa lungsod” dagdag na ulat ni Rodriguez.
Ani Rodriguez, inilalabas ng kanilang tanggapan ang mga datos na ito upang maging gabay ng sinuman partikular ng mga pamahalaang lokal para sa pagsagawa ng mga polisiya kung paanong mapanatili o mapababa pa ang inflation rate ng isang lugar.
Ang pag-uulat ng inflation rate o ang paggalaw ng presyo ng mga bilihin ay regular nang isinasagawa ng PSA-Palawan kada buwan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Sa press conference nitong Pebrero 10, 2023, iniulat ni PSA-Palawan Chief Statistical Specialist Maria Lalaine M. Rodriguez ang paggalaw ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa lalawigan ng Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)