BOAC, Marinduque (PIA) — Matagumpay na isinagawa ang groundbreaking at awarding ceremony ng Integrated Coconut Processing Center (ICPC) sa Brgy. Pawa, Boac noong Hunyo 21.
Ang ICPC ang magsisilbing pasilidad sa probinsya kung saan ang mga niyog ay bibilhin mula sa mga lokal na magsasaka at ipo-proseso upang makabuo ng mga produktong gawa sa bunga nito.
Ang proyekto ay sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Fund-Sharing Processing Facility (CFIDP-SPF) na pinondohan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ng halagang humigit sa P25 milyon at inaasahang mapakikinabangan ng nasa 5,000 magsasaka ng niyog sa lalawigan.
Bukod sa oportunidad at karagdagang kita sa mga magniniyog, layunin din ng nasabing proyekto na makapagproseso ang probinsya ng dalawang pangunahing produkto, ang white copra at refined coconut oil.
Sa mensaheng ibinahagi ni Gov. Presbitero Velasco, Jr., sinabi niya na tuluy-tuloy ang suporta ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang tanggapan ni Congressman Lord Allan Jay Velasco sa pagpapaunlad ng kabuhayan at pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.
“Dahil po sa proyektong ito ay mapalalakas natin ang produksiyon ng niyog at mapalalago ang sektor ng pagsasaka sa ating isla kaya lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng ahensya na naging katuwang sa pagsasakatuparan ng proyektong ito,” pahayag ng gobernador.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Mayor Armi Carrion sapagkat napakalaking tulong aniya ang pasilidad sa mga magniniyog sa kanilang bayan.
“Hindi maikakaila na isa ang niyog sa mga pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng ating mga kababayan sa buong probinsya kaya napakapalad po namin dahil dito sa Boac napiling itayo ang processing center na ito,” ani Carrion.
Ang pagpapasinaya ng kauna-unahang ICPC sa Marinduque ay personal na sinaksihan nina Philippine Coconut Authority Administrator Bernie Cruz at PhilMech Director Dionisio Alvindia kasama sina Vice Gov. Adeline Angeles at Mogpog Mayor Leo Livelo. (RAMJR/AMKDA/APGH/PIA Mimaropa-Marinduque)
Ang pagpapasinaya ng kauna-unahang ICPC sa Marinduque ay personal na sinaksihan nina Philippine Coconut Authority Administrator Bernie Cruz at PhilMech Director Dionisio Alvindia, Gov. Presbitero Velasco, Jr. kasama sina Vice Gov. Adeline Angeles, Boac Mayor Armi Carrion at Mogpog Mayor Leo Livelo. (Larawang kuha ni Gerico Sapunto/OVG)