PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Pormal nang pinasinayaan ang kauna-unahang Iodized Salt Processing Facility sa rehiyon ng Mimaropa noong Agosto 18. Ang proyektong ito ay isa sa mga pilot enterprises projects ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa ilalim ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) katuwang ang Department of Science and Technology (DOST) Mimaropa at Lokal na Pamahalaang Bayan ng Dumaran.
Itinayo ito sa Sitio Salban, Brgy. Danleg sa bayan ng Dumaran na naglalayong maitaas ang kalidad at produksiyon ng asin sa pamamagitan ng makabagong proseso mula sa dating solar salt production kung saan pinatutuyo ang tubig-alat sa matinding sikat ng araw at upang mapalawak pa ang mga negosyong maaaring pagkakitaan ng mahihirap na pamilya na naninirahan sa mga rural at coastal communities sa lalawigan.
Isa si Gregorio Padul sa mga miyembro ng Bohol Salt Makers Association, kauna-unahang People’s Organization (PO) sa pag-aasin sa naturang munisipyo na magiging benepisyaro ng nasabing proyekto. Ayon kay Padul, malaking tulong ito sa kanila upang maging iodized na ang pagproseso sa asin at ito ay makakadagdag upang magkaroon sila ng magandang kita dahil mayroon ng maayos na pasilidad para sa kanilang paghahanapbuhay.
Nanguna sina Gob. Victorino Dennis M. Socrates at DOST-Mimaropa Regional Director Ma. Josefina Abilay sa pagpapasinaya ng nasabing pasilidad na sinundan ng paglalagda ng Memorandum of Agreement (MOU) sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at LGU Dumaran para sa turn-over ng Dumaran Salt Facility.
Kamakailan lamang sinabi ni Iodine Global Network (IGN) National Coordinator Dr. Teofilo O.L. San Luis, Jr. na ang Palawan ay isa sa 15 probinsiya sa buong bansa na may problema sa iodine deficiency disorders (IDD) ayon sa 2019 National Nutrition Surveys na isinagawa ng DOST Food & Nutrition Research Institute (FNRI). (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)
Sina Gob. Victorino Dennis M. Socrates at DOST-Mimaropa Regional Director Ma. Josefina Abilay (parehong nasa gitna) ang nanguna sa pagpapasinaya ng kauna-unahang Iodized Salt Processing Center sa Mimaropa na itinayo sa Bgy. Danleg, Dumaran, Palawan. (Larawan mula sa PIO-Palawan)