GENERAL SANTOS CITY (PIA) — Gustong mai-replicate ng probinsya ng Bukidnon ang Indigenous Peoples (IP) code ng Sarangani, ayon kay Atty. Arbie Saway Llesis, indigenous peoples mandatory representative (IPMR) ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Bukidnon.
Sa isang benchmarking activity kasama ang Provincial Tribal Council (PTC) at SP ng Sarangani noong Abril 28, iniulat ng Sarangani Provincial Information Office na ayon kay Llesis, ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang nagrekomenda sa kanya na puntahan ang probinsya ng Sarangani noong naghahanap sila ng mga probinsyang may mga fund allocation para sa kanilang mga IPs. Layon nito na may magamit silang pondo sa pagpapabuti ng buhay ng mga IP communities sa Bukidnon sa pamamagitan ng malawakang pananaliksik at pag-aaral ng mga polisiya at best practices ng ibang local governmnet units na maari nilang maging sanggunian o modelo sa pagbuo ng sarili nilang plano na pwdeng mapondohan ng kanilang LGU.
Iprinisinta ni Fulung Fredo Basino, ang may-akda ng Sarangani IP (Sar IP) Code of 2019, ang salient features ng nasabing code at inihayag na binibigyang halaga ng Sar IP code ang partisipasyon ng IPs para sa epektibong pagbabago at pag-unlad. Isa itong “joint legacy” ng indigenous peoples at ng provincial government sa paglikha ng makabuluhang kinabukasan, dagdag pa nito.
Nagpahayag naman ng kanyang pagkamangha si Llesis sa inisyatiba ng probinsya para sa mga IPs nito at maging sa pagtatag ng Kasfala Hall ng Sarangani, kung saan ginagamit ito ng mga iba’t ibang tribu lalo na ang mga lider ng tribung Blaan na isang mayoryang grupo ng IPs sa Sarangani, sa mga mahahalagang pulong, diyalogo at pagresolba ng conflicts or hidwaan sa pagitan ng mga myembro nito.
Ayon kay Llesis, magsusumite siya ng request na magrerekomenda sa kanilang mga lider na gumawa ng kahalintulad ng Kasfala Hall ng Sarangani na magsisilbing Provincial Tribal Hall sa Bukidnon.
Naniniwala aniya si Llesis na sa dami ng kanyang nasaksihang best practices sa Sarangani, magsisilbi ang mga ito bilang inspirasyon sa kanilang paggawa ng mga plano o code para sa kanilang mga IPs. Nakakatiyak ito na makakahabol din sila sa pagbuo ng mga polisiya at paggawa ng best practices tungkol sa mga kapakanan at kaunlaran ng mga indigenous communities ng Bukidnon. (Harlem Jude Ferolino, PIA SarGen)