JobStart PH, ipatutupad para sa mga kabataang jobseekers sa Tuguegarao City

TUGUEGARAO CITY, Cagayan – – Muling ipatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 ang JobStart Philippines program para sa mga naghahanap ng trabaho sa lungsod ng Tuguegarao.

Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga oryentasyon para sa pribadong sektor, layunin ng programa na mapalakas ang kakayahan ng mga kabataang Pilipino sa paghahanap ng trabaho.

Ginaganap sa Tuguegarao City Hall, ang unang orientation ay dinaluhan ng labing-isang pribadong sektor mula sa iba’t ibang industriya, kabilang ang mga mall, lokal na negosyo, pribadong paaralan, at iba pa.

Ipinaliwanag ni JobStart Program Coordinator Gianella Saquing ng DOLE ang buong proseso ng pagpapatupad ng programa.

Tinalakay naman ni Christian James Guzman ng DOLE Cagayan ang mga kwalipikasyon, papel, at responsibilidad ng mga employer sa pagbibigay oportunidad sa mga kabataang naghahanap ng trabaho.

“Ang mga talakayan ay nagbigay-linaw sa proseso ng pagsasanay sa life skills, technical training, at internship placements,” pahayag ni Guzman.

Aniya, sa suporta ng mga lokal na sektor at ahensya ng gobyerno, inaasahang magiging matagumpay ang muling pagpapagana ng programa sa lungsod ng Tuguegarao. (OTB/PIA Region 2 kasama si Aza-zel Erro)

In other News
Skip to content