Joint Regional Nutrition Month, idinaos sa Puerto Princesa City

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Ipinaliwanag ni National Nutrition Council (NNC) Mimaropa Nutrition Program Coordinator Ma. Eileen B. Blanco na hindi dapat mahal ang pagiging healthy ng isang indibidwal.

“Pangarap nalang ba ang magkaroon ng healthy diet? Ang healthy diet ay hindi kailangang mahal dahil maraming makukuhang pagkain sa ating mga bakuran, tulad ng mga gulay na nagbibigay ng kalusugan sa ating katawan at ang mga ito ay malalaman natin na ito pala ay healthy diet,” pahayag ni Blanco.

Pinangunahan ni RD Blanco ang isinagawang Joint Regional Nutrition Month Launching Activity sa Balayong People’s Park sa lungsod na may temang ‘Healthy Diet, Gawing Affordable for All!’ ngayong Hulyo 6, 2023.

Ang nasabing aktibidad ay magkatuwang na isinakatuparan ng NNC-Mimaropa, Department of Health (DOH)-Mimaropa, Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa, Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at ng mga Nutrition Program Coordinators ng iba’t-ibang probinsya sa rehiyon, gayundin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa mensahe naman ni DOH-Mimaropa Medical Officer III, Dr. Mathew R. Medrano, sinabi nito na taon-taon ipinagdiriwang ang Nutrition Month, iba iba man ang tema pero iisa ang adbokasiya, kung saan ang nilalabanan ang maltnutrisyon sa bansa.

Sinabi pa ni Medrano na dapat ay maitaas ang access ang pagkain sa lahat, labanan ang kakulangan at siguraduhing ligtas ang pagkain at abot kayang makakuha ng tamang nutrisyon.

Dagdag pa nito na, ayon sa World Health Organization (WHO) ang malnutrisyon ay isang malaking bagay na maaaring mag-dulot ng iba’t-ibang sakit sa iba’t ibang tao, tulad ng diabetes, hypertension o high blood at cancer.

“Ngunit, ang tamang pagkain pa lamang ay gamot na sa lahat ng sakit at iyon ang isa sa pinaglalaban ng adbokasiya sa pagdiriwang ng buwan ng nutrisyon. Sa tamang pagkain ay maiiwasan na natin ang mga sakit,” dagdag na pahayag ni Dr. Medrano.

Ipinaliwanag naman ni NNC Mimaropa Nutrition Officer III Keren Faye M. Gaya ang importansya kung paano makakamit ang healthy diet na hindi kailangang mahal sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at dapat ang nutrisyon ay sapat para sa lahat.

Samantala, iba’t ibang aktibidad naman ang natunghayan sa Balayong People’s Park tulad ng BNS Head dress Competition, Mass Demo o Zumba, Pledge of Commitment Signing, Healthy Diet Slogan Contest, Cooking Demonstration, Cooking Contest at iba pa.

Nagkaroon din ng booth ang mga ahensiyang katuwang ng NNC sa pagpapalaganap ng nutrisyon kung saan nagbigay ang mga ito ng kani-kanilang serbisyo at ang iba naman ay nagdala ng kanilang mga produkto na mabibili sa murang halaga. (OCJ/PIA MIMAROPA)


Muling pinagtibay ng mga kinatawan ng mga ahensiyang katuwang ng National Nutrition Commission (NNC)-Mimaropa ang nag-iisang adbokasiya na labanan ang malnutrisyon sa rehiyon sa pamamagitan ng pledge of commitment. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

In other News
Skip to content