Kabataan at IPs, nagsama para sa panawagang wakasan ang insurhensya

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Nagtipon kamakailan ang ilang mga kabataan at katutubo ng San Jose sa Municipal Plaza upang manawagan ng pagwawakas ng 54 na taong panlilinlang at pananakot ng mga Communist Terrorist Group (CTG).

Mula sa plaza, naglakad ang mga partisipante ng peace rally sa pangunahing lansangan ng bayang ito, dala ang ilang plakards na naglalaman ng pagkondena sa mga pagmamalabis at karahasan ng teroristang grupo lalo na sa mga pamayanan ng mga Indigenous People.

Nang makabalik sa Plaza ay nagsagawa ang mga ito ng maikling programa kung saan may ilan na nagbahagi ng mga karanasan at nagpahayag ng saloobin laban sa CTG.

Isa sa kanila ay isang katutubo na tumangging magpakilala para sa kanyang kaligtasan. Aniya, nagkaisa ang kanilang buong pamayanan na hayagang itakwil ang mga teroristang CTG sa pamamagitan ng nasabing peace rally at maiparating na rin ang kanilang suporta sa pamahalaan. Binanggit din nito na pawang kaguluhan lamang ang idinudulot ng CTG sa kanilang lugar at makakamit lang aniya ang tunay na kapayapaan sa buong lalawigan kapag sumuko na o nagbalik-loob sa pamahalaan ang lahat ng mga kasapi ng CTG.

Sa huling bahagi ng kanilang maikling programa ay sinunog ng mga partisipante ng peace rally ang watawat ng CTG bilang pagpapakita ng kanilang pagtalikod sa komunistang grupo. (VND/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content