Kabataang Sarangan inilunsad ang librong tungkol sa bangsi

LUNGSOD NG GENERAL SANTOS (PIA) — Kasabay ng pagdiriwang ng ika-16 na Bangsi Festival sa Maitum, inilunsad ni Sarangani Writers League chairperson Xaña Apolinar ang kanyang kauna-unahang librong pambata na pinamagatang “Gusto Maglupad ni Bangsi” noong Enero 27 sa Maitum Municipal Library sa probinsya ng Sarangani.

Ayon sa ulat ng Sarangani Provincial Information Office (SPIO), ipinaliwanag ni Apolinar na ang kwento ng kanyang libro tungkol kay Bangsi ay sumasalamin din sa kanyang buhay bilang kabataang manunulat at kung paano siya nakikipagsapalaran sa buhay.

Aniya, hindi lamang nagtuturo ang kanyang libro ng mga aral tungkol sa pagsisikap upang maabot ang pangarap; bagkus itinuturo rin nito sa mga bata ang kahalagahan ng pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan.

Pinasalamatan ng batang manunulat ang lokal na pamahalaan ng Maitum sa pamumuno ni Mayor Alexander Bryan Reganit, maging ang Tourism Office at Maitum Public Library, para sa kanilang nagawang tulong upang maorganisa ang kanyang book launching at sa suporta ng mga ito sa kanyang reading advocacy. Nangangahulugan aniya ito na pinahahalagahan talaga ng munisipyo ang pagtuturo ng mga leksyon at magandang asal sa kabataan.

Sinabi ni Apolinar na kapag patuloy ang pagsuporta ng publiko at gobyerno sa mga progresibong literatura, mas mahuhulma pa ang pinangangalagaang kultura ng lugar at mas makapagbibigay pa ito ng inspirasyon sa nakararami.

Dinaluhan ang nasabing storybook launching ng SOCCSKSARGEN writers, municipal staff, at mga residente ng Maitum kasama ang ilang mga bata mula sa mga coastal barangay. (Harlem Jude Ferolino, PIA SarGen)

In other News
Skip to content