LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Binigyang-diin ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang kahalagahan ng pagpapatupad ng Competitive Grants Program na may layong isulong at pagyamanin ang kultura at sining sa bansa.
Sa programang PIA Talakayang Dose ng Philippine Information Agency XII, sinabi ni Corinnah Anne Olazo, head ng Cultural Dissemination Section ng NCCA, ang competitive grants ay isa sa mga programa ng komisyon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga lokal at pribadong indibidwal at organisasyon sa bansa na maibida ang kanilang mga project proposal na may kaugnayan sa kultura at sining.
“Ito pong competitive grants program ay isa sa mga platform para po masiguro na mayroon pong access ang public sa mga government program on culture and the arts. Ito po yung tulong or assistance na naibibigay ng NCCA para sa public with regards to the cultural and artistic initiatives,” sinabi ni Olazo
Ayon pa kay Olazo, ang NCCA ay ang pangunahing komisyon na nangangasiwa ng mga polisiya at programa para sa pagpapalawig ng kultura sa bansa.
Dagdag pa ni Olazo, ang NCCA din ang nangangasiwa ng National Endowment Fund for Culture and the Arts (NEFCA) kung saan dito nagmumula ang pondo para sa competitive grants.
Kaugnay pa rin dito, ang mga project proposal para sa grants ay isasailalim sa masusing proseso, upang masiguro na ang mga proyektong ito ay naaayon sa prayoridad ng komisyon.
Ang mga proyekto ay ikinakategorya sa bawat sub-commission. Kabilang dito ang Sub-commission on the Arts (SCA), Sub-commission on Cultural Communities and Traditional Arts (SCCTA), Sub-commission on Cultural Dissemination (SCD), at Sub-commission on Cultural Heritage (SCH).
Samantala, ang deadline ng submission ng mga project proposal ay sa Agosto 31.
Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa nabanggit na competitive grants, maaaring bisitahin ang opisyal na mga social media site ng NCCA: Facebook https://www.facebook.com/NCCAOfficial o ang kanilang website http://www.ncca.gov.ph/. (LTB – PIA Cotabato City)