LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Ipinaliwanag ni Community Affairs Officer V Aaron-Jeff Usman ng Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage (BCPCH-BARMM) ang kahalagahan ng pangangalaga sa kasaysayan ng Bangsamoro lalo na ng kabataang Bangsamoro.
Sa programang PIA Talakayang Dose ng Philippine Information Agency Region 12, sinabi ni Usman na ang kasaysayan ay hindi lamang tumutukoy sa mga pangyayari sa nakaraan kundi maging sa tunay na pagkakakilanlan ng isang indibidwal.
“Mahalaga pong tingnan natin nang mabuti ‘yong kasaysayan ng ating lahi dahil ito ay tumutukoy sa ating pagkakakilanlan, sa ating identity. Kaya naman hinihikayat ko ang aking kapwa kabataan na bisitahin ang ating Bangsamoro Museum dahil dito po nakikita ‘yong mga kaalaman patungkol dito sa kasaysayan at mayamang kultura ng ating lahi,” paliwanag ni Usman.
Kaugnay nito, hinikayat ni Usman ang mamamayang Bangsamoro na bisitahin ang mga lugar sa BARMM na mayroong museyo upang mas lalo pang makilala ang kultura, tradisyon, at yaman ng lahing Bangsamoro.
Samantala, ngayong buwan ng Marso ay ipinagdiriwang ng pamahalaan ng BARMM ang Bangsamoro History Month alinsunod sa Proclamation No. 0001, series of 2021 na inilabas ni BARMM Chief Minister Ahod Murad Ebrahim.
Ayon kay Usman, ngayong buwan ay ginugunita ang iba’t ibang mahahagalagang kaganapan na nangyari sa kasaysayan ng Bangsamoro kabilang dito ang Bud Dajo Massacre, Jabidah Massacre, paglagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, inagurasyon ng BARMM, inaugural session ng Bangsamoro Transition Authority, at iba pa. (PIA Cotabato City)