LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Tinalakay ni Deputy Commissioner Engr. Razul Gayak ng Bangsamoro Telecommunications Commission ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BTC-BARMM) ang kahalagahan ng Republic Act No. 11934 o mas kilala bilang SIM registration law.
“Mahalaga po itong SIM registration para mapigilan na po itong mga naglipanang text scam na nambibiktima sa ating mga subscriber and makakabawas din po ito sa mga illegal activities na gamit ang ating mga cellphone dahil mate-trace po yung owner ng SIM card,” sinabi ni Gayak.
Sa programang Talakayang Dose ng Philippine Information Agency Region 12, binigyang diin ni Gayak na layon ng nasabing batas na maiwasan ang anumang krimen o insidente na gumagamit ng SIM cards na maaaring magdulot ng pinsala o problema sa publiko o komunidad.
Ayon pa kay Gayak, mahalaga ang batas upang mapigilan ang mga naglipanang text scams at matulungan ang mga law enforcement agency na agarang maaksyunan ang mga reklamo at mga kaso na kinasasangkutan ng mga mobile text scam.
Samantala, hinikayat naman ni Gayak ang mamamayang Bangsamoro na ipa-rehistro na ang kanilang mga SIM card at wag nang hintayin ang deadline sa Abril 26 upang hindi tuluyang ma deactivate ang SIM.
Sinabi ng BTC na nakipag-ugnayan sila sa public telecommunications entities upang magset-up ng mga booth sa iba’t ibang lugar sa rehiyon upang matulungan ang mga residente na nais ipa register ang kanilang mga SIM card.
Gagabayan din umano ng BTC ang mga senior citizen upang mas maayos nilang mai-register ang kanilang mga SIM card. (PIA Cotabato City)