PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Idinaan ng mga Person Deprived of Liberty (PDL) sa Puerto Princesa City Jail ang kanilang mga munting kahilingan ngayong pasko sa pamamagitan ng “Christmas Wishing Wall.”
Ayon kay Jail Officer III Peter Tumanon, na siya ring hepe ng Welfare and Development Division ng nasabing piitan, ang munting kahilingan sa kapaskuhan ay naging bahagi na ng kultura at tradisyon bilang mga Filipino, at upang mabigyan ng kasiyahan ngayong kapaskuhan ang mga PDL ay inilunsad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) – Puerto Princesa City Jail Male Dormitory ang “Christmas wishing wall” na may temang “Munting Hiling ni Kuya PDL Ngayong Kapaskuhan, Nawa’y Dinggin.”
Dagdag pa ni Tumanon, layunin ng programa na mapunan ang ilang pangangailangan ng mga PDL para sa sarili at gayundin ng kanilang pamilya.

“Ang pinaka-aim po nito is ‘yong maibigay ang needs ng ating mga PDL particulary with the priority needs ‘yong ating foods, ‘yong kanilang mga pananamit po at mga needs nila sa pang-araw-araw,” pahayag ni Tumanon.
Malaki naman ang naging pasasalamat ng mga PDL sa programa ng BJMP.
“Maraming-maraming salamat din sa pamunuan ng BJMP, na nagkaroon din ng ganitong Christmas Wishing Wall, na kung saan ay pwedeng matupad ang aming mga pangarap sa loob o matupad ang aming mga wish lalong-lalo na sa aming mga pamilya na nasa malayang lipunan,” pahayag ng isang PDL.
Ilan sa mga simpleng kahilingan ng mga PDL ay ang magkaroon ng bagong sapatos, damit, groceries, pagkain at maging ang panalangin na magkaroon ng magandang kalusugan ang kanilang pamilya.
“Wish ko po sa aking pamilya na magkaroon sila ng magandang pangangatawan o kalusugan at ilayo sa anumang uri ng sakuna maging sa sakit. Pangalawang kahilingan ko po ay ang groceries o pang-noche buena kung saan ay pwede po naming pag-salu-saluhan kung sila po ay dadalaw dito” pahayag ng isa pang PDL.

Ito na ang ika-tatlong taon na isinagawa sa Puerto Princesa City Jail ang “Christmas Wishing Wall” at ngayong Disyembre ay ilang kahilingan na rin ng mga PDL ang natupad.
Hinihikayat din ng pamunuan ng Puerto Princesa City Jail sa pangunguna ni Acting Jail Warden, JSInsp. Alcel U. Bandiola, ang mga mamamayan ng lungsod na bisitahin ang kanilang wihing wall para sa iba pang kahilingan ng mga PDL. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)