Kaligtasan ng mga biyahero sa Batangas Port ngayong Semana Santa, siniguro ng DOTr

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) ang ligtas at maayos na biyahe ng mga pasahero sa Batangas Port ngayong Semana Santa.

Personal na ininspeksyon ni DOTr Secretary Vince Dizon ang pantalan noong Abril 10 bilang bahagi ng Oplan Biyahe Ayos: Semana Santa 2025, upang masuri ang mga kinakailangang hakbang sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero.

Ayon kay Dizon, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking ligtas ang bawat biyahe ng mga pasahero sa mga pantalan gayundin sa mga road transport at airport terminals sa panahon ng Semana Santa.

“Kailangang masiguro ang maayos na paglalakbay ng ating mga kababayan—sa bus, barko, eroplano, at maging sa tren. Dito sa Batangas Port, na siyang pinakamalaking passenger terminal sa bansa at may kapasidad na 8,000 katao, nararapat lamang na tiyakin ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero,” pahayag ni Dizon.

Binanggit din niya ang mahalagang papel ng pagtutulungan ng pamahalaan at Asian Terminals Incorporated upang mapaunlad ang Batangas Port at makapagbigay ng mas mahusay na serbisyo sa publiko.

Dagdag pa ni Dizon, isinusulong na rin ang pagbubukas ng mga bagong ruta patungong Palawan at iba pang panig ng bansa tulad ng Mindanao upang mas marami pang biyahe ang maialok sa publiko.

Ipinabatid din ng kalihim na lumagda siya sa isang kasunduan katuwang ang Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Ports Authority (PPA), at DOTr bilang tugon sa isyung anti-overloading.

Binigyang-diin ni Dizon na kailangang mahigpit na ipatupad ang kasunduan sa tulong ng mga kinauukulang ahensya gaya ng Philippine Coast Guard (PCG).Ang sinumang lalabag, kabilang ang mga shipping companies, ay maaaring masuspinde, maharap sa multa, o kanselahin ang lisensya.

Isa rin sa mga inaprubahan ng DOTr ay ang e-ticketing system na layuning pabilisin ang proseso ng pagbili ng tiket at maiwasan ang mahabang pila sa mga terminal.

Inaasahang muling dadagsa ang mga pasahero sa Batangas Port ngayong Semana Santa at summer vacation.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, posibleng tumaas pa ang bilang ng mga biyahero dahil sa pagluwag ng restrictions matapos ang pandemya.

“Malaki ang naging tulong ng social media at kampanya ng Department of Tourism, kaya’t maraming bagong destinasyon ang nadiskubre at naging mas madaling puntahan. Mayroon ding #PapasyalTayo campaign ang PPA na itinatampok ang mga tourist destinations na maaabot sa ating mga pantalan,” ani Santiago.

Tinatayang aabot sa 20,000 hanggang 21,000 pasahero ang dadagsa sa Lunes at Martes Santo, lalo na sa peak season. (MPDC – PIA Batangas)

In other News
Skip to content