Kampanya kontra child labor, pinaigting ng DOLE

TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) – – Pinaigting ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kampanya nito laban sa child labor sa Cagayan. 

Bilang bahagi ng Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP)ng nasabing tanggapan, namahagi ng mga tulong pangkabuhayan ang DOLE Cagayan sa 29 na mga magulang at tagapag-alaga ng mga child laborer sa Rizal, Cagayan na may kabuuang halagang P580,000. 

Ang tulong pinansiyal ay para sa pagsisimula ng maliliit na negosyo tulad ng Tile Setting Services, Hair and Make-up Services, Carpentry, Electronic Repair Services, Nail Care Services, Food/Ulam Vending, Rice and Feeds Vending, Fried Chicken Vending, at Printing & Lamination Services.

Ayon kay DOLE Cagayan Field Office Head Laura B. Diciano layunin ng programang ito na matulungan ang mga pamilya ng mga batang manggagawa na maiwasan ang mapanganib na epekto ng child labor at maibalik ang mga bata sa paaralan.

Binigyang-diin ni Diciano ang kahalagahan ng livelihood grants sa pagbibigay ng karagdagang kita sa mga pamilya upang hindi na kailanganing magtrabaho ng mga bata. 

Lubos naman ang pasasalamat ni Mardie Ingay, isa sa mga benepisaryo, sa tulong ng pamahalaan sa kanila na siyang magsisilbing panumula ng kanilang negosyo upang may pagkukunan din ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. 

“Dahil sa kahirapan, napipilitan ang aking anak na magbanat ng buto sa murang edad. Ngunit sa tulong ng DOLE, kami ay nabigyan ng mga kasangkapan upang magsimulang mag-negosyo. Sa halip na nasa bukid ay magkakaroon na ng oras makapag-laro at makapag-aral ang aking anak,” pahayag ni Ingay. (OTB/PIA Cagayan, ulat mula  kina END/BJB ng DOLE Region 2)

In other News
Skip to content