Kampanya kontra Dengue isinagawa ng DOH sa Occidental Mindoro

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Nagsagawa ang Department of Health (DOH) Center for Health Development (CHD)-MIMAROPA ang ilang araw na kampanya kontra Dengue sa Occidental Mindoro sa pamamagitan ng isang ‘puppet show’.

Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng National Dengue Awareness Month tuwing Hunyo alinsunod sa Proclamation No. 1204 na layong iangat ang antas ng kamalayan ng komunidad ukol sa mapanganib na sakit.

Target ng kampanya ang mga batang 6 hanggang 10 taong gulang, kasama ang kanilang mga magulang mula sa mga bayan San Jose, Sablayan at Mamburao.

Ang tatlong nabanggit na bayan ang may pinakamataas na suspect at probable cases ng Dengue sa buong lalawigan, ayon sa Provincial Health Office (PHO).

Sinabi ni Catherine Ramirez ng Municipal Health Office ng bayan ng San Jose, 36 ang suspect at probable cases ng Dengue sa mga bayang nabanggit at karamihan ng mga kasong ito ay matatagpuan sa Barangay Bubog at San Roque.

“Sa pamamagitan ng nakakaaliw na panoorin, natututo ang mga bata kung saan nangingitlog ang mga lamok at sakaling may makita silang ganito sa paligid ay masasabi nila sa kanilang mga magulang at guro,” sabi ni Ramirez.

Ayon naman kay Romalyn Racho ng DOH, mahalaga na maagang mamulat ang mga bata kung ano ang Dengue at paano ito maiiwasan habang ang kaalamang makukuha ng mga magulang ay makatutulong upang higit na pangalagaan ang kanilang mga anak laban sa nakamamatay na sakit.

“Ngayon po ay patuloy na lumalaganap ang Dengue. Dati po, ito ay alam lamang na sakit sa panahon ng tag-ulan, ngayon po ito ay whole-year-round na,” saad ni Racho.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang panawagan ng DOH sa publiko na isabuhay ang 4S, ang estratehiya ng Kagawaran sa paglaban sa Dengue.

Sa paliwanag ni Dr. Arlene Sy ng Provincial DOH Office (PDOHO), kabilang sa 4S ang Search and Destroy o pagpuksa sa mga lugar-pangitlugan ng aedes aegypti– ang lamok na may dalang Dengue; Secure Self Protection o pagbibigay proteksyon laban sa kagat ng lamok gaya ng pagpahid ng lotion sa katawan, paggamit ng kulambo, at pagsusuot ng damit na may mahabang manggas.

Ang ikatlong S ay Seek Early Consultation para sa mga nakakaranas ng sintomas ng dengue. Sinabi ni Dr. Sy na kailangang magpatingin agad sa doktor o bumisita sa pinakamalapit na health center sakaling dalawang araw nang nilalagnat ang pasyente.

Ang ikaapat na S ay Say No to indiscriminate fogging dahil ayon sa DOH, ginagawa lamang ang fogging kung may outbreak na ng Dengue sa isang lugar.

Paalala nina Rocha at Abeleda, mga bata ang karaniwang dinadapuan ng Dengue kaya dapat paigtingin pa ng mga magulang ang pagbibigay ng proteksyon sa kanilang mga anak.

Dagdag ng DOH, bukod sa pagpapalakas ng katawan sa pamamagitan ng masusustansiyang pagkain at ehersisyo, mainam na isabuhay ang 4S hindi lang sa tahanan kundi sa buong pamayanan.

Katuwang ng DOH ang Philippine Information Agency (PIA) sa paghahatid ng mensahe ng kampanya laban sa Dengue. (VNA/PIA MIMAROPA–Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content