Kampanya kontra krimen, iligal na droga, paiigtingin sa Quezon

LUCENA CITY (PIA) — Patuloy  ang pakikipagbalikatan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa mga ahensya ng pamahalaan upang patuloy na malabanan ang mga krimen at mga illegal drug activities sa lalawigan ng Quezon kung kaya’t hinahangad na mas mapapaigting pa sa susunod na taon ang mga programang naglalayong mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa lalawigan.

Sa pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) kamakailan sa pangunguna ni Governor Helen Tan, tinalakay ang kalagayan ng lalawigan ng Quezon patungkol sa iba’t ibang krimen, droga, anti-terrorism campaign, non-violence related crimes tulad ng illegal gambling, at ang tumataas na bilang ng road accidents.

Binigyang diin sa talakayan ang planong pagsasagawa ng road clearing para sa mas maayos na traffic management kaugnay sa dumaraming bilang ng mga vehicular accidents kaya naman nanawagan din ang Gobernadora na siguruhin na magsuot ng angkop na safety gears ang motorista upang maiwasan ang malalang pinsala ng mga hindi inaasahang insidente sa kalsada.

“Nanawagan po tayo sa lahat ng mga motorist ana magsuot palagi ng safety gears upang maging malayo o makaiwas sa anumang sakuna sa mga lansangan,” sabi pa ni Gov. Tan

Dinaluhan ang nasabing pagpupulong ng iba’t ibang lokal at nasyonal na ahensya ng pamahalaan kung saan nagbahagi ang bawat tanggapan ng kanilang mga napagtagumpayan at iba pang mahahalagang ulat. (Ruel Orinday-PIA Quezon)

In other News
Skip to content