Kampanya kontra krimen, pinaiigting ng Batangas PNP

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Higit na pinaiigting ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) ang kanilang kampanya kontra krimen sa lalawigan ng Batangas.

Sa ulat ng BPPO sa pulong ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), mula Abril 1 hanggang Hunyo 30 ay nakapagtala ng nasa 130 naarestong Most Wanted Person sa Batangas, kabilang ang isa sa national level, 22 sa regional level, 52 sa provincial level at 55 sa city/municipal level. Bukod pa rito ay may naaresto ring 287 iba pang wanted persons.

Kasabay nito ay nagkaroon din ng 379 operasyon kontra ilegal na droga na nagresulta sa pagka-aresto ng 421 indibidwal at pagkaka-kumpiska ng nasa 1,435,465 gramo ng shabu, 338.60 gramo ng marijuana na may tinatayang halagang aabot sa P9,693,202.632 at anim na armas.

Kabilang rito ang ilegal na drogang nakumpiska sa isang checkpoint sa bayan ng Alitagtag na itinuturing na pinakamalaking droga na nakumpiska sa lalawigan at sa bansa.

Sa mga naarestong personalidad kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga, nasa 63 ang ikinokonsidera na high value individuals (HVI) at 353 naman ang street level individuals. Nagtala rin ng 41 tokhang activities at tatlong surrenderers.

Samantala, patuloy din ang pagpapatupad ng BIDA o Buhay Ingatan, Droga’y Iwasan Program ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan nagpakalat ng mga information materials at naghikayat ang nasa 231 BIDA Advocates sa pamamagitan ng information drive at webinars.

Nakapagsagawa ng 358 na operasyon kaugnay ng kampanya kontra illegal na sugal kung saan nakaaresto ng 609 katao at may 307 kaso na ang naisampa.

Bukod pa rito, nakapaghain ng anim na search warrant at nakapagsagawa ng 33 iba pang Law Enforcement Operations na nakaaresto ng 37 katao, nakakumpiska ng 36 na armas at 181 firearms na nasa pangangalaga na ng pulisya.

Tuloy tuloy naman ang kampanya kontra insurhensya kung saan mayroong 17 combat operations na nagresulta sa pagsuko ng apat na miyembro ng Communist Terrorist Groups at pagsuko ng mg armas at pampasabog.

Ayon kay Acting Provincial Director PCol. Jacinto Malinao Jr., patuloy ang kanilang pagpapatupad ng police visibility sa mga convergence points at checkpoints. Hinihikayat din nila ang mga komunidad at lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa kanila upang mas masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng kanilang lugar. (MPDC/PIA-Batangas)

In other News
Skip to content